Ibinahagi sa publiko ng aktor na si Nikko Natividad ang text umano sa kaniya ng panganay na anak niya na labis na nakapagpalumo sa kaniyang emosyon.
Matatandaang isa si Nikko sa naging usap-usapan ng mga netizen tungkol sa mga kumalat na umano'y magkakabukod na maseselang videos, kasama ang kapuwa pa niya mga aktor na sina Arron Villaflor, Ron Angeles, at Gil Cuerva na pinagpasa-pasahan na sa iba't ibang social media platforms kamakailan.
KAUGNAY NA BALITA: Ibang Big Four pala? Sex scandal umano nina Arron Villaflor, Ron Angeles, Gil Cuerva, Nikko Natividad pinagpiyestahan!
Matapos nito, matapang na humarap si Nikko sa isang panayam kay showbiz insider Ogie Diaz at inamin niyang siya mismo ang isa sa mga kumalat na maselang video sa social media.
Ayon sa inupload na panayam ni Ogie kay Nikko sa kaniyang YouTube channel noong gabi ng Biyernes, Marso 6, 2026, nagawa pang ibahagi ng kontrobersyal na aktor ang umano’y mga ipinadalang mensahe ng 10 taong gulang na kaniyang anak sa kaniya.
“Panganay ko, matalino. 10 years old. Syempre, naririnig niya,” pagsisimula niya, “Tinext po ako ng anak ko sa bahay, hindi niya ako kayang kausapin, umiiyak siya, [at] galit siya.”
Ani Nikko, hindi raw nila sinabi sa kanilang panganay na anak ang tungkol sa maselang video at tanging “cheating” lang ang kanilang inamin dito dahil nagtataka na raw ito noon sa mga kaguluhang nangyari sa loob ng kanilang tahanan.
“Hindi namin sinabi na video. Basta alam niya, cheating. Kailangan, e. Kasi nagtataka na siya, ba’t ganoon sa bahay, nagkakagulo. May binabasag na gamit,” pagkukuwento niya.
Anang aktor, nagawa umano siyang kuwestiyonin ng kaniyang anak tungkol sa dahilan kung bakit niya raw nagawa ang bagay na iyon.
“Sabi niya sa akin, ‘Dad, walang ginawang mali sa ‘yo si Mommy. Ba’t mo nagawa ‘yon?’ Isipin mo 10 years old, tinext ako ng ganoon,” aniya.
Pagpapatuloy ni Nikko, ibinahagi raw ng anak niya ang minsan nito noong pagtatanggol sa kaniya kapag magkaaway sila ng kaniyang misis, ngunit sinabi raw ng kaniyang anak na hindi na siya nito maipagtatanggol sa kasalukuyang nilang problema.
“Sabi pa niya sa akin, ‘Pinagtatanggol kita minsan kay Mommy kasi kapag nag-aaway kayo, minsan ang mali si Mommy. Pero ngayon, hindi kita kayang ipagtanggol.’ Ta’s hindi ko siya makausap,” saad niya.
Pagkatapos pa nito, emosyonal nang ikinuwento ni Nikko ang umano’y isang mensahe ng kaniyang anak na mahal raw siya nito at alam nitong papatawarin siya ng Diyos sa kaniyang nagawa.
“Tapos nag-text siya, hagulgol ako. Sabi niya, ‘Dad, I love you. I know, God, will forgive you,” pagbabahagi ni Nikko habang mapapanood na umiiyak sa nasabing panayam.
“Tapos sabi sa akin, ‘Kapag wala na kayo ni Mommy, dadalawin kita.’ Siguro nararamdaman niya. Siguro kinausap niya si Mommy niya. Sabi ko, “No, anak. Ako ang dadalaw sa iyo.’ Kasi nga po no’ng time na ‘yon, tanggap ko na,” pagtatapos pa ni Nikko.
KAUGNAY NA BALITA: Misis ni Nikko Natividad, nagsalita na: ‘Masakit na masakit!’
KAUGNAY NA BALITA: Gil Cuerva, nagsalita na tungkol sa umano'y sex scandal niya
Mc Vincent Mirabuna/Balita