March 08, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Banat ni Anne Curtis: 'Any leader who cannot respect women does not understand leadership at all!'

Banat ni Anne Curtis: 'Any leader who cannot respect women does not understand leadership at all!'
Photo courtesy: Anne Curtis, Screenshot from House of Representatives (FB)

Binasag na ni "It's Showtime" host-actress Anne Curtis ang kaniyang katahimikan kaugnay kay Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay matapos ang kontrobersiyal na paggamit ng mambabatas sa pangalan niya nang magbigay siya ng analogy sa naging pagdinig ng House Committee on Justice para sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa isang mahabang pahayag na inilabas niya sa social media nitong Sabado, Marso 7, sinabi ni Anne na binigyang-pansin na muna niya ang ilang mas mahahalagang bagay sa buhay niya, gaya ng pag-uwi sa Pilipinas matapos ma-stranded sa Middle East dulot ng mga kanselasyon ng flights dahil sa giriang nagaganap sa mga ilang bansa roon, dahil sa US-Israel kontra Iran.

"Women’s Month isn’t just a celebration… it’s a reminder of how far we still have to go," mababasa sa caption ng social media post ni Anne. 

Sumunod, inaddress na nga ni Anne ang naging kontrobersiyal na isyu na ilang araw na ring mainit na pinag-uusapan sa social media.

Pahayag ni Anne, labis siyang nabigla, nasaktan at nainis nang magamit umano ang kaniyang pangalan sa isang “vulgar at sexualized na analogy” na ginawa ng kongresista.

Tsika at Intriga

Wala raw kadala-dala! Ai Ai Delas Alas, nagsalita sa isyung engaged na naman siya

Ayon pa sa kaniya, ginamit ang kaniyang pangalan nang walang pahintulot at sa maling konteksto.

Gayunman, sinabi niyang kalaunan ay naging malinaw sa kaniya na ang insidenteng ito ay hindi lamang tungkol sa kaniya, kundi tungkol sa mas malawak na isyu ng pagtrato sa kababaihan.

Ayon kay Anne, hindi bihira ang ganitong klaseng pahayag laban sa mga babae. Aniya, araw-araw umano itong nangyayari; sa mga opisina, group chats, o sa mga lugar kung saan iniisip ng ilang kalalakihan na walang makakarinig sa kanila.

Ngunit aniya, mas naging seryoso ang insidente dahil nanggaling ito sa isang opisyal ng gobyerno.

“Misogyny dressed up as a joke is still misogyny,” diin niya, na tumutukoy sa kultura ng pagbibiro na may halong pambabastos sa kababaihan.

Binigyang-diin din ng aktres na ang mga opisyal ng gobyerno ay dapat maging ehemplo ng respeto dahil sila ay nagsisilbi sa publiko, kabilang na ang mga kababaihan.

Sa kaniyang pahayag, tahasang sinabi ni Curtis na hindi niya tinatanggap ang paghingi ng paumanhin ng kongresista.

“I do not accept your non-apology,” diretsahang sinabi ng aktres.

Gayunpaman, sinabi niyang tinatanggap niya ang paghingi ng paumanhin ng asawa ng mambabatas. Ayon sa kaniya, nauunawaan niya ang posisyon at posibleng nararamdaman ng asawa at mga anak ng kongresista, na aniya’y hindi dapat madamay sa kontrobersiya.

Sa dulo ng kaniyang pahayag, sinabi ng aktres na naghahanap na siya ng legal advice at pinag-aaralan ang kaniyang mga susunod na hakbang.

Nanawagan din siya sa House ethics committee na huwag balewalain ang insidente, dahil nakasalalay umano dito ang integridad ng pampublikong tungkulin.

“Any leader who cannot respect women does not understand leadership at all,” dagdag niya.

Nagpasalamat din si Anne sa mga taong sumuporta sa kaniya, mapa-kapwa babae at lalaki, na nanindigan laban sa mga pahayag na aniya’y nagpapakita ng kawalan ng respeto sa kababaihan.

Ayon pa sa aktres, ang insidenteng ito ay patunay kung bakit mahalagang ipagdiwang at ipaglaban ang diwa ng Women’s Month.

Maki-Balita: Sorry ng misis, aprub: Anne Curtis, hindi tinanggap sorry ni Rep. Bong Suntay!

Maki-Balita: Anne bumwelta kay Rep. Suntay: 'Misogyny dressed up as a joke is still misogyny!'

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Suntay hinggil sa naging pahayag ng aktres.