April 13, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Sorry ng misis, aprub: Anne Curtis, hindi tinanggap sorry ni Rep. Bong Suntay!

Sorry ng misis, aprub: Anne Curtis, hindi tinanggap sorry ni Rep. Bong Suntay!
Photo courtesy: Anne Curtis (FB)/Screenshot from House of Representatives (FB)

Hindi tinanggap ni "It's Showtime" host-actress Anne Curtis ang apology ni Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay matapos ang kontrobersiyal na paggamit ng solon sa pangalan niya nang magbigay siya ng analogy sa naging pagdinig ng House Committee on Justice para sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa isang mahabang pahayag na inilabas niya sa social media, sinabi ng aktres na labis siyang nabigla, nasaktan at nainis nang magamit umano ang kaniyang pangalan sa isang “vulgar at sexualized na analogy” na ginawa ng kongresista.

Ayon kay Curtis, ginamit ang kaniyang pangalan nang walang pahintulot at sa maling konteksto.

Gayunman, sinabi niyang kalaunan ay naging malinaw sa kaniya na ang insidenteng ito ay hindi lamang tungkol sa kaniya, kundi tungkol sa mas malawak na isyu ng pagtrato sa kababaihan.

Ayon kay Anne, hindi bihira ang ganitong klaseng pahayag laban sa mga babae. Aniya, araw-araw umano itong nangyayari; sa mga opisina, group chats, o sa mga lugar kung saan iniisip ng ilang kalalakihan na walang makakarinig sa kanila.

Tsika at Intriga

Ogie Diaz, dinepensahan si Sarah Lahbati sa paglalako ng mga gamit

Ngunit aniya, mas naging seryoso ang insidente dahil nanggaling ito sa isang opisyal ng gobyerno.

“Misogyny dressed up as a joke is still misogyny,” diin niya, na tumutukoy sa kultura ng pagbibiro na may halong pambabastos sa kababaihan.

Binigyang-diin din ng aktres na ang mga opisyal ng gobyerno ay dapat maging ehemplo ng respeto dahil sila ay nagsisilbi sa publiko, kabilang na ang mga kababaihan.

HINDI TINANGGAP ANG APOLOGY

Sa kaniyang pahayag, tahasang sinabi ni Curtis na hindi niya tinatanggap ang paghingi ng paumanhin ng kongresista.

“I do not accept your non-apology,” diretsahang sinabi ng aktres.

Gayunpaman, sinabi niyang tinatanggap niya ang paghingi ng paumanhin ng asawa ng mambabatas. Ayon sa kaniya, nauunawaan niya ang posisyon at posibleng nararamdaman ng asawa at mga anak ng kongresista, na aniya’y hindi dapat madamay sa kontrobersiya.

Sa dulo ng kaniyang pahayag, sinabi ng aktres na naghahanap na siya ng legal advice at pinag-aaralan ang kaniyang mga susunod na hakbang.

Nanawagan din siya sa ethics committee na huwag balewalain ang insidente, dahil nakasalalay umano dito ang integridad ng pampublikong tungkulin.

“Any leader who cannot respect women does not understand leadership at all,” dagdag niya.

MENSAHE SA WOMEN'S MONTH

Nagpasalamat din si Anne sa mga taong sumuporta sa kaniya, mapa-kapwa babae at lalaki, na nanindigan laban sa mga pahayag na aniya’y nagpapakita ng kawalan ng respeto sa kababaihan.

Ayon pa sa aktres, ang insidenteng ito ay patunay kung bakit mahalagang ipagdiwang at ipaglaban ang diwa ng Women’s Month.

Bago pa man maglabas ng kaniyang pahayag, nauna nang naglabas ng opisyal na pahayag tungkol dito ang legal team ni Anne.

Maki-Balita: Kampo ni Anne Curtis kay Rep. Bong Suntay: 'Women deserve respect—everywhere!'

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Suntay hinggil sa naging pahayag ng aktres.