April 16, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Kampo ni Anne Curtis kay Rep. Bong Suntay: 'Women deserve respect—everywhere!'

Kampo ni Anne Curtis kay Rep. Bong Suntay: 'Women deserve respect—everywhere!'
Photo courtesy: Anne Curtis (FB)/MB File Photo

Naglabas ng opisyal na pahayag ang legal counsel ng aktres at "It's Showtime" host na si Anne Curtis upang kondenahin ang umano’y hindi angkop na pagbanggit sa kaniyang pangalan sa isang pagdinig sa Kamara kamakailan.

Tungkol ito sa pagbanggit ni Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay kay Anne, sa naging analogy niya patungkol naman sa isyu ng pagiging "designated survivor" ni Vice President Sara Duterte, na isa sa mga isyung tinalakay kung may substansya ba ang ikatlo at ikaapat na impeachment complaints laban sa kaniya.

Maki-Balita: 'May desire sa loob ko na nag-init talaga!' Pahayag ng solon tungkol kay Anne Curtis sinita, pinatanggal sa house records

Bagama't nag-sorry na kay Anne gayundin sa publiko, umani naman ito ng samu't saring reaksiyon, komento, at kritisismo hindi lamang sa mga netizen, kundi maging sa mga sikat na celebrity, personalidad, gayundin sa iba't ibang grupo.

Maki-Balita: Rep. Bong Suntay, nag-sorry kay Anne Curtis: ‘There was no malice intended!’

Tsika at Intriga

Away-Kapamilya! ABS-CBN nagsalita sa isyu ng 'shut down,' alitan ng pamilya Lopez

Maki-Balita: 'There’s nothing sexual sa sinabi ko!' Rep. Suntay, ipinaliwanag naging pahayag tungkol kay Anne Curtis

Maging ang maybahay ni Suntay, humingi na rin ng paumanhin kay Anne at sa publiko.

Maki-Balita: Misis ni Rep. Suntay kay Anne Curtis: 'I stand with you'

Sa pahayag ng law firm na Gorriceta Africa Cauton & Saavedra, sinabi nilang ang mga naging pahayag sa isang congressional committee hearing kung saan nabanggit si Curtis sa isang “malisyoso at mapang-objectify” na paraan ay malinaw na hindi nararapat at hindi katanggap-tanggap.

Ayon sa legal counsel ng aktres, kilala si Anne sa kaniyang mahabang karerang nakabatay sa propesyonalismo, integridad at paggalang sa kapwa.

Dahil dito, sinabi nilang hindi nararapat na banggitin ang sinumang babae—maging public figure man o pribadong mamamayan—sa paraang nagbababa sa kanilang dignidad o ginagawa silang paksa ng sekswal na komentaryo.

Binigyang-diin ng mga abogado na ang ganitong uri ng pahayag ay nakabababa sa dangal ng kababaihan at walang lugar sa anumang pampublikong talakayan, lalo na sa mga pagdinig sa Kongreso kung saan inaasahang pinangangalagaan ng mga opisyal ng pamahalaan ang dignidad ng iba at ang maayos na diskurso sa publiko.

Dagdag pa nila, matagal nang kinikilala ng batas at mga polisiya sa bansa ang kahalagahan ng pagprotekta sa dignidad ng kababaihan sa lahat ng espasyo. Kabilang dito ang Republic Act No. 11313 (Safe Spaces Act) at Republic Act No. 9710 (Magna Carta of Women), na naglalayong tugunan ang mga sexista at mapanirang pahayag laban sa kababaihan.

Ayon sa kampo ni actress-TV host, lalo pang nakapanghihinayang na lumutang ang naturang pahayag ngayong ipinagdiriwang ang National Women’s Month, isang panahon kung kailan muling pinagtitibay raw ng bansa ang pangako sa pagkakapantay-pantay ng kasarian at paggalang sa dignidad ng kababaihan.

Sa huli, sinabi ng mga abogado na dapat magsilbing paalala ang insidente na ang kababaihan ay nararapat igalang saan mang lugar, at ang mga pananalitang nagpapababa o nag-oobjectify sa kanila ay walang puwang sa pampublikong diskurso—lalo na sa mga institusyong may malaking pananagutan sa publiko.

Photo courtesy: Anne Curtis, Gorriceta Africa Cauton & Saavedra (FB)

Hindi naman direktang nagbigay ng pahayag ang legal team kung may isasampa silang kaso laban sa mambabatas.