Hindi ‘yan dapat ikinahihiya!
Katulad ng facial care, hair care, at body care, ang pangangalaga sa feminine area ay isa sa mga importanteng aspeto ng pagiging babae.
Dahil sa pamamagitan nito, maiiwasan ang mga iritasyon, impeksyon, at sakit na nakaaapekto sa urinary at reproductive health, at nasusuportahan nito ang overall health at pagpapabuti ng lifestyle ng isang babae.
Kaya narito ang ilang tips upang maayos na mapangalagaan ang “feminine area:”
1. Paghuhugas ng kiffy
Unang-una, mahalagang tandaan na ang “vagina” o “puki,” “puday” o “bayna” sa mga terminong Filipino para sa ari ng babae ay hindi kinakailangan na hugasan ng scented soaps, wipes, o anumang matatapang na produkto upang malinis.
Ayon sa mga pag-aaral, ang ari ng babae ay isang “delicate and self-cleaning” organ na kinakailangan ng maingat na pangangalaga, kaya ang kailangan lamang nito ay ang maayos na ecosystem ng “good bacteria” o lactobacillus, na nakatutulong upang mapanatiling balanse ang acidic pH level nito, na nagsisilbing natural defense nito sa mga mapanganib na bacteria.
Kaya ang paggamit ng matatapang na produkto rito ay nagpapataas sa posibilidad ng pagkakaroon ng impeksyon tulad ng bacterial vaginosis (BV) at yeast infections.
Dahil dito, ipinapayo ng mga eksperto na ang vulva, o ang labas na bahagi ng vagina, ay hugasan lamang ng maligamgam na tubig, na maaaring samahan ng mild, fragrance-free cleanser.
2. Tamang panloob na dapat suotin
Ayon din sa mga pag-aaral, mahalagang tandaan na isa pa sa importanteng aspeto ng vaginal care ay ang pagpapanatiling tuyo ng external pubic area o “pubiko” o “bulbol” dahil ang moisture rito ay posibleng maging tahanan ng bacteria.
Kaya, ipinapayo ng mga eksperto na magsuot ng “breathable clothing” at iwasan ang masisikip na pantalon na nakapipigil sa air circulation sa vaginal area.
Anila pa, mainam rin ang underwear o panty na gawa sa cotton o synthetic fabric upang ma-absorb nito ang moisture.
Isa pang importantent payo ay ang pagpapalit ng panloob, dalawang beses sa isang araw lalo na kung may discharge.
3. Paggamit at pagpapalit ng tampons, pads, liners
Sa mga araw na may discharge, ipinapayo ng mga eskperto ang pagpapalit ng tampons, pads, o liners, ng apat hanggang limang beses sa isang araw at iwasang scented ang mga ito.
Makatutulong rin daw ang regular na pagpupunas o paghuhugas ng ari, lalo na kung may buwanang regla.
4. Pag-trim, shave, o wax ng pubic hair
Isa sa mga nakagawiang gawin ng ilang kababaihan ay ang shaving, waxing, at trimming ng pubic hairs sa kanilang ari.
Ipinaaalala ng mga eksperto na ito’y nagsisilbing proteksyon ng vulva mula sa mga bacteria at viruses, at cushion mula sa friction sa kasagsagan ng sex o pagtatalik.
Kaya bagama’t ito’y isang personal preference at walang medikal na pag-aaral sa pagtatanggal nito, ipinapayo na sa trimming, iwasang ilapit ito sa balat.
Habang sa shaving, inaabisong gumamit ng bago at malinis na razor blade upang maiwasan ang pagkalat ng bacteria.
Sa waxing naman, tiyaking na ito’y gagawin ng isang propesyunal at marami nang karanasan dito.
5. Mga dapat kainin para sa “vaginal care”
Bukod sa probiotics, may ilan ding mineral at bitaminang nakakatulong upang maging malusog ang vaginal health.
Ang ilan dito ay ang mga sumusunod:
- Cranberries: Ayon sa mga eksperto, ito ay kilalang nakatutulong sa pag-iwas ng urinary tract infections (UTIs).
- Kamote: Ang kamote o sweet potato ay mayaman sa beta-carotene, na nako-convert sa Vitamin A, at nakatutulong sa pagpapatatag at proteksyon ng vaginal walls.
- Avocado: Ang avocado ay mayaman sa healthy fats at Vitamin B6 na sumusuporta sa nerve health at lubrication.
- Bawang: Ang bawang ay may allicin, na nakapagbibigay ng antifungal at antimicrobial sa vaginal health, na nakatutulong sa immune-boosting nito.
6. “Intimate care” sa pagtatalik
Ayon sa Healthline at ilan pang pag-aaral, importante para sa kababaihan ang pag-ihi matapos ang pakikipagtalik dahil nailalabas nito ang anumang bacteria na posibleng nakapasok sa urethra, na posibleng magpataas sa posibilidad ng UTI.
Matapos rin ang pakikipagtalik, mahalagang tandaan na hugasan lamang ng tubig ang vulva at iwasan itong gamitan ng scrub.
Bago o sa kasagsagan naman ng pagtatalik, tingnan rin ang ingredients na ginamit sa condom, kung gagamit nito o ang partner dahil may ilan na may spermicide na pinapatay rin ang “good bacteria” na mayroon sa vagina, na posibleng magdulot ng iritasyon at impeksyon.
Sean Antonio/BALITA