Agad na tinugunan ng pamunuan ng MRT-3 ang kamakailang nag-viral na “surot sighting” ng isang netizen sa isa nilang bagon.
Makikita sa post ng pasahero na si “Joy” sa isang public group sa Facebook noong Huwebes, Marso 5, ang tila mga surot na nakasiksik sa handrail ng MRT-3 train.
Aniya pa sa post, nakasandal daw siya dito nang naramdaman niyang may kumakagat sa kaniya. At nang makuhanan ng picture, parang maliliit na ipis daw ang nakita niya sa camera.
“I want to ask lang sana kung ano tong maliliit na parang ipis sa may parang sandalan dito sa bagon ng MRT 3? kase as mahilig pumuwesto dito at mahilig sumandal nagulat ako na parang may kumagat sakin tapos nung pag picture ayan sya parang maliliit na ipis huhu,” ani Joy.
Ang post na ito ay umabot na sa 1.4K engagements, 418 comments, at 367 shares, kung saan, pinayuhan siya ng ilang netizens na ilubog agad sa maligamgam na tubig na may detergent ang isinuot na damit, at maligo, upang hindi siya maging “carrrier” ng peste sa kanilang bahay.
Kaya bilang tugon, base sa pahayag ng MRT-3 nitong Biyernes, Marso 6, agad ipinag-utos ni Department of Transportation (DOTr) Acting Sec. Giovanni Lopez kay MRT-3 General Manager Michael Capati ang paglalabas ng Notice to Explain (NTE) sa Sumitomo Corporation, na maintenance provider ng MRT-3 system.
Ang nasabi namang tren ay agad ding ininspeksyon at na-disinfect ng kanilang maintenance team upang matiyak ang kalinisan sa tren at kaligtasan ng mga pasahero rito.
“Transportation Secretary Banoy Lopez immediately instructed MRT-3 General Manager Michael Capati to check on this and address it promptly. GM Capati readily issued a Notice to Explain (NTE) to Sumitomo Corporation, the maintenance provider of the MRT-3 system,” saad sa pahayag.
“The concerned train set underwent immediate inspection and disinfection by the maintenance team,” dagdag pa rito.
Tiniyak din ng MRT-3 na patuloy nilang pinagtitibay ang kanilang sanitation, disinfection, and pest control measures sa lahat ng bagon at istasyon upang mapanatili ang kalinisan ng commute experience ng mga Pinoy sa pamamagitan ng regular na cleanin at inspection procedures, sa pakikipagtulungan sa Sumimoto Corporation.
Sean Antonio/BALITA