March 08, 2026

Home SHOWBIZ

‘Di lang sabon! Glenda Dela Cruz, paldo sa negosyo

‘Di lang sabon! Glenda Dela Cruz, paldo sa negosyo
Photo Courtesy: Screenshots from Ogie Diaz (YT)

Isa-isang ibinahagi ng negosyanteng si Glenda Dela Cruz ang mga negosyong pinapatakbo niya, na siyang dahilan ng kaniyang pagpaldo.

Sa latest episode ng “Ogie Diaz Inspires” noong Huwebes, Marso 5, inurirat ni Ogie ang pinagtatakhan ng marami kung totoo nga bang sabon lang talaga ang dahilan ng pagiging bilyonaryo niya.

“Marami po akong negosyo. Pero ‘yong Brillant Skin po talaga ‘yon po ‘yong nagbibigay sa akin ng malaking kita,” saad ni Glenda.

“But aside from that,” pagpapatuloy niya, “mayro’n po akong spa, mayro’n akong cafe, mayro’n akong medical group, mayro’n po akong construction company, mayro’n po akong boutique hotel sa Malaysia.”

Dagdag pa niya, “[M]ayro’n po akong branch sa Malaysia, mayro’n po akong real estate sa Dubai, mayro’n po akong tindahan ng mga ginto. So, diverse na po ‘yong business ko.”

Tsika at Intriga

Wala raw kadala-dala! Ai Ai Delas Alas, nagsalita sa isyung engaged na naman siya

Bukod pa umano rito ang kaniyang mga investment at franchise na kinuha.

Matatandaang naging matunog ang pangalan ni Glenda matapos siyang maiugnay kay dating Ako-Bicol party-list Rep. Zaldy Co dahil sa kaniyang mga Euro trip kamakailan.

Ngunit sa isang opisyal na pahayag, iginiit ni Dela Cruz na walang katotohanan ang mga akusasyong siya ay konektado kay Co, lalo na sa mga isyung may kinalaman sa money laundering at iba pang kontrobersiya.

“Pumunta lang ng Lisbon, Portugal, nagbayad ng ₱111 milyon na income tax, connected na kay Zaldy Co?” ani Dela Cruz. “Seriously, people, may naniniwala?”

Ayon sa negosyante, ang kaniyang pagbiyahe sa Lisbon, Portugal ay personal at pribadong lakad na aniya’y bunga ng kaniyang pinaghirapan sa negosyo.

Binigyang-diin din niya na ang kaniyang mga buwis ay maayos na nababayaran at dokumentado.