Personal na nagtungo si dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV sa Department of Justice (DOJ) upang magsampa ng kaso laban sa 18 na nagpakilalang dating miyembro ng Philippine Marine, kina Atty. Levito “Levi” Baligod, dating mambabatas na si Mike Defensor, dating broadcaster na si Jay Sonza, at iba pa.
Bukod sa mga nabanggit, isa rin sa mga sasampahan umano ng kaso ni Trillanes sina dating NTF-ELCAC spokesperson Lorraine Badoy at vlogger na si Cathy Binag.
Ayon sa naging pagpunta ni Trillanes sa tanggapan ng DOJ nitong Huwebes, Marso 5, 2026, nakatakda umano niyang sampahan ng mga kasong perjury at cyberlibel ang mga nasabing indibidwal dahil sa pagpapakalat ng “disinformation” sa publiko tungkol sa kaniya.
Kaugnay nito, matatandaang isiniwalat sa publiko ng tumayong abogado ng 18 ex-marines na si Baligod na tumanggap umano si Trillanes ng halagang humigit-kumulang ₱112 milyon o $2 milyon kay dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co para sa pag-aasikaso ng pangangailangan ng International Criminal Court (ICC) investigators.
“Ibinigay kay Sonny Trillanes ang pondo para sa pag-asikaso sa mga ICC investigators na ito. Kaya naman po lahat ng sasakyan na ginamit, lahat ng hotel accomodations ay sinagot ni Zaldy Co at saka ni Sonny Trillanes,” ani Baligod noong Pebrero 24, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: Antonio Trillanes, tumanggap ng ₱112M kay Zaldy Co para sa ICC investigators!—Atty. Levi Baligod
Agad naman itong pinabulaanan ni Trillanes noon ding Pebrero 24, 2026, at sinabi niyang hindi siya kailanman nakatanggap ng $2 milyon o anomang halaga mula kay Co.
Ani Trillanes, paraan lamang daw ito upang sirain ang naganap na mga pagdinig ng ICC sa mga kasong kinakaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
KAUGNAY NA BALITA: Trillanes, tinangging tumanggap ng $2M kay Zaldy Co para sa ICC investigators; nag-amba ng cyber libel case!
Diin ni Trillanes noon, magsasampa raw siya ng cyberlibel case laban kay Baligod, Defensor, Sonza, 18 ex-marines na lumitaw sa nasabing press conference na isinagawa ng naturang abogado noong Pebrero 24.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ang mga indibidwal na nakatakdang sampahan ng kaso ni Trillanes.
KAUGNAY NA BALITA: ICC investigators, 'di kailangang suhulan para gawin trabaho nila!—Trillanes
KAUGNAY NA BALITA: 'Mahinang klase ng abogado!' Trillanes, Baligod nagsusupalpalan sa isa't isa
Mc Vincent Mirabuna/Balita