Inaanyayahan ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang mga mag-aaral na edad 9 hanggang 15 taong gulang na gumawa ng liham at magkaroon ng pagkakataong magwagi sa “55th Universal Postal Union (UPU) International Letter Writing Competition for Young People” ngayong buwan ng Marso hanggang Abril 10, 2026.
Ang liham ay sumisentro sa tema ngayong taon na: “Write a letter to a friend about why human connection matters in a digital world.”
Hinihikayat nito ang mga mag-aaral na pag-isipan at ipahayag kung bakit mahalaga pa rin ang tunay na ugnayan ng tao sa kabila ng pag-usbong ng instant messaging at social media.
Sa kabila ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya, pinatutunayan ng serbisyong postal na ang tradisyunal na paraan ng komunikasyon ay nananatiling mahalaga—lalo na sa mga panahong higit na kinakailangan ang koneksyon at pakikipag-ugnayan ng bawat isa.
Anang PHLPost, bukas ang kompetisyon para sa mga mag-aaral sa pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.
Nabatid na ang magwawagi ng Unang Gantimpala ay makakatanggap ng ₱25,000 at ang kanilang sulat o entry ang ipapadala upang maging opisyal na kinatawan ng Pilipinas sa pandaigdigang paligsahan na inorganisa ng Universal Postal Union sa Bern, Switzerland.
Layunin ng taunang paligsahan na hikayatin ang mga kabataan na paghusayin ang kanilang kakayahan sa pagsusulat habang pinagninilayan ang mahahalagang isyung panlipunan at pagpapalalim ng pagkakaibigan at pag-unawa sa kapwa kabataan sa buong mundo sa pamamagitan ng tradisyonal na pagsulat ng liham.
Anang PHLPost, ang mga liham ay dapat sulat-kamay, maaaring nasa Ingles o Filipino, orihinal, at hindi lalampas sa 800 salita.
Ang huling araw ng pagsusumite ng liham ay sa Abril 10, 2026.
"Sa pagsali sa paligsahang ito, magkakaroon ng pagkakataon ang mga kabataang Pilipino na maipahayag ang kanilang saloobin at maibahagi sa buong mundo ang kahalagahan ng tunay na koneksyon ng tao sa pamamagitan ng isang taos-pusong liham," anang PHLPost.
Para sa kumpletong mechanics at gabay sa pagsusumite, maaaring bisitahin ang: https://bit.ly/PHLPostLetterWritingInfo2026.
Ang lahat ng entries ay dapat ilagay sa brown envelope at ipadala lamang sa pamamagitan ng PHLPost Domestic Express Mail Service (DEMS) sa: National Letter Writing Competition for Young People 2026, Business Lines Department – OAPMG for Operations, Philippine Postal Corporation, Manila Central Post Office Annex II Building Magallanes Drive, Liwasang Bonifacio Barangay 659-A, Ermita, 1000 Manila, Philippines.