March 08, 2026

Home BALITA Metro

Inakyat pa ni PBBM: Mount Kamuning babu na, footbridge na may elevator, eeksena!

Inakyat pa ni PBBM: Mount Kamuning babu na, footbridge na may elevator, eeksena!
Photo courtesy: Presidential Communications Office (FB)

Mas magiging ligtas at maginhawa na ang pagtawid ng libo-libong commuter sa kahabaan ng EDSA sa Quezon City matapos buksan ang bagong itinayong Kamuning footbridge na direktang konektado sa Kamuning Busway Station.

Dating kilala ng mga commuter ang bahaging ito ng EDSA bilang “Mt. Kamuning” dahil sa taas at tarik ng footbridge, bukod pa sa kawalan noon ng direktang access patungo sa busway station.

Dahil dito, marami ang nahihirapang umakyat at bumaba, lalo na ang mga senior citizen, persons with disabilities (PWD), at mga may dalang mabibigat na gamit.

Sa direktiba ni Pangulong Ferdinand "Bongbong Marcos Jr., itinayo ang bagong footbridge na may mas maayos at modernong pasilidad upang mapadali ang pagtawid ng publiko. Kabilang sa mga inilagay na bagong pasilidad ang elevator at wheelchair lift upang maging accessible sa lahat ng commuter.

Bukod dito, nilagyan din ang estruktura ng mas maayos na hagdan, pinalawak na platform, waiting sheds, karagdagang ilaw, at malinaw na wayfinding signage upang mas maging organisado at komportable ang daloy ng mga pasahero.

Metro

‘Libreng Sakay,’ ng MRT-3 para sa kababaihan, lalarga sa Marso 9!

Direkta na ring nakakonekta ang bagong footbridge sa Kamuning Busway Station, na inaasahang magpapabilis sa pagpasok at paglabas ng mga commuter na gumagamit ng EDSA Busway at MRT.

Ayon sa mga opisyal, inaasahang tataas ang bilang ng mga pasaherong gagamit ng Kamuning Station sa humigit-kumulang 8,000 kada araw mula sa dating 3,000 hanggang 5,000 lamang.

Matatandaang ilang buwan lamang ang nakalipas nang personal na inspeksyunin ni Pangulong Marcos ang MRT Kamuning Station upang tiyakin ang agarang pag-aayos ng mga pasilidad para sa mga commuter.

Ang proyekto ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng administrasyon na pagandahin ang commuting experience at gawing mas ligtas, mabilis, at komportable ang araw-araw na biyahe ng publiko sa Metro Manila.