May 21, 2026

Home BALITA Metro

‘Drug-resistant bacteria,’ natagpuan sa 12 palamig sa Tondo

‘Drug-resistant bacteria,’ natagpuan sa 12 palamig sa Tondo
Photo courtesy: Manila Public Information Office (FB)

Naglalatag na ng multi-point action plan ang Manila local government unit (LGU) sa 12 puwesto ng palamig sa Tondo, Maynila na nakitaan ng drug-resistant bacteria sa kanilang mga tinda. 

Batay sa pahayag ng Manila LGU noong Miyerkules, Mayo 6, ang nasabing drug-resistant bacteria sa mga palamig ay natagpuan ng University of the Philippines (UP) Manila College of Public Health-Department of Medical Microbiology sa isinagawa nilang pag-aaral. 

Binanggit din ng UP Manila sa pagsasaliksik na tubig at yelo ang itinuturing na pinagmulan ng kontaminasyon. 

Bilang tugon, ire-require na ng Manila Health Department (MHD) ang mga nagtitinda na gumamit ng malinis na tubig at yelo mula sa mga aprubadong suppliers. 

“(We will) require vendors to use certified potable water and approved ice supplier, hindi lang ‘yung basta-basta,” saad ni Manila City Health Officer Dr. Grace Padilla, kasama rin dito ang requirement na proof of certification sa isasagawa nilang inspeksyon hindi lamang sa Tondo, kung hindi sa lahat ng anim na distrito ng Maynila. 

Metro

73-anyos, patay sa gitna ng paghihintay para makabili ng murang bigas

Saad pa ni Padilla, sa pakikipagtulungan sa UP Manila, magsasagawa sila ng mandatory vendor hygiene training program, kung saan ituturo sa vendors ang tamang handwashing, safe food handling, at maayos na paglilinis ng mga lalagyan ng pagkain. 

Sa pagtatapos ng training course na ito, bibigyan ng LGU ng certificates ang vendors na lalahok. 

“May certification kaming ibibigay sa kanila para ma-uplift naman or ma-motivate sila na gawin ‘yung mga tamang hygiene procedure,” ani Padilla. 

Upang mapagaan naman ang pasanin sa gastusin ng mga nagtitinda, binanggit ni Padilla na pinaplano ng kanilang departamentong magbigay ng libreng water potability testing, kung saan, isasagawa ng city health personnel ang kanilang sampling on-site, kaysa byumahe pa ang vendors patungong public health laboratory. 

“Kami na lang po magsa-sampling sa kanila, and free of charge,” saad ni Padilla. 

Aniya pa, ang Maynila ay mayroong sariling Water Analysis Laboratory na magpoproseso ng mga makukuhang sample mula sa kanilang mga pag-iinspeksyon. 

Parte rin pagpapalakas ng licensing system para sa food vendors sa Maynila, layon pa ng MHD na gawing accessible ito sa small vendors, kaya binanggit din ni Padilla na kasalukuyan silang nagsumite ng request kay Mayor Isko Moreno Domagoso na tanggalin ang associated fees rito. 

Sa isasagawa pang routine microbiological monitoring, plano rin ng MHD na regular isagawa ang testing ng mga inumin, tubig, at kapaligiran ng tindahan, na hindi lamang nakatuon sa bacterial presence, kung hindi maging sa antimicrobial resistance. 

“We need to partner with the universities or we have our own public health lab to regularly test the beverages, water, and surfaces, and focus not just on the bacteria presence, but also dun sa antimicrobial resistance na nangyayari,” saad ni Padilla.

Panghuli, binanggit ng MHD na parte ng kanilang plano ay ang pagtatayo ng istasyon para sa malinis na tubig at pamamahagi ng standard hygiene kits para sa small vendors sa high-risk na mga lugar.