Idiniin sa publiko ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na lagi raw handa ang pamilya nila at maging si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa anomang magiging resulta o desisyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa mga kasong kinakaharap niya.
Ayon sa naging pahayag ni Baste matapos niyang bumisita sa dating Pangulo sa detention center ng ICC sa The Hague, Netherlands nitong Miyerkules, Marso 4, 2026, sinabi niyang masyado raw “complex” o komplikado ang sitwasyong kinakaharap nila ngayon.
“It’s a complex situation. You have the ICC involved, you have these people in the Philippines who are left leaning, and these are social states—the European Union,” pagsisimula niya.
Dagdag niya, “There’s so much ambiguity around everything that’s happening right now.”
Nagawa ring sagutin ni Baste ang tanong sa kaniya tungkol sa pangangailangan nilang maging handa sa mga posibleng mangyari sa magiging desisyon ng ICC.
“Do you think your family should prepare for any eventuality,” tanong sa kaniya ng media.
Ani Baste, lagi raw silang handa ng kanilang pamilya at maging si FPRRD.
Diin pa niya, hindi raw sila pumupunta sa The Hague, Netherlands para umiyak-iyak lang at sinabi niyang politika lamang ang kalakihan sa kanilang pinagdaraanan.
“We’re always prepared. We are always prepared. Even my father is prepared. Wala kami dito para iiyak lang,” aniya.
“It’s politics, most of it. Most of it is politics,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang katatapos lamang ng isinagawang pagdinig ng ICC mula noong Pebrero 23 hanggang Pebrero 27, 2026, tungkol sa confirmation of charges sa mga kasong kinakaharap ni FPRRD.
Matapos nito, inihayag ng ICC na may 60 araw sila upang pormal na ianunsyo ang kanilang desisyon batay sa isinagawa nilang mga naging pagdinig sa confirmation of charges.
Kasalukuyang nananatili pa rin ang kaniyang amang si FPRRD sa detention center ng ICC sa The Hague, Netherlands.
KAUGNAY NA BALITA: Kitty kay FPRRD: 'He has dryer lips and skin than usual!'
KAUGNAY NA BALITA: Kitty Duterte kay FPRRD: 'I miss you, papa'
Mc Vincent Mirabuna/Balita