Inamin mismo ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro na tila na-offend din daw siya na nasabi ni Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay tungkol sa aktres at TV host na si Anne Curtis-Smith.
KAUGNAY NA BALITA: 'May desire sa loob ko na nag-init talaga!' Pahayag ng solon tungkol kay Anne Curtis sinita, pinatanggal sa house records
Ayon sa isinagawang press briefing ni Castro nitong Miyerkules, Marso 4, 2026, sinabi niyang na-offend o tila hindi naging maganda ang dating sa kaniya ng naging pahayag ni Suntay, lalo na at ipinagmalaki pa raw nito na na tila karangalan ng isang babae na pagpantasyahan sila.
“Na-offend ako para sa lahat ng kababaihan. Lalo na kung ipagmamalaki pa na karangalan ng isang babae na siya ay pagpantasiyahan,” pagsisimula niya.
Kuwestiyon ni Castro, dapat ba raw ipagpasalamat ng isang babae na pinag-iisipan ito ng malaswa ng isang lalaki.
“Dapat pa bang ipagpasalamat na ang lalaki ay nag-iisip ng malaswa sa iyong pagkababae?” tanong niya.
Ani Castro, tila nagkataon lang daw na isang may pangalan at may titulong indibidwal si Suntay ngunit wala raw itong pagkakaiba maging ang nagsabi man nito ay isang normal na lalaking nasa kanto at nakahubad.
“Nagkataon lamang siguro na siya ay nakasuot ng isang suit, nakaharap sa isang mic, at may titulo bago sa kaniyang pangalan. Kung nagkataon na ang lalaking ito ay nagsalita ay nasa isang kanto, nakabuhad, at sinabihan ang isang babae na naglalakad na ini-imagine ko kung anong ginagawa ko sa iyo kasi ang ganda mo,” diin niya.
“Magkaiba ba ‘yon kung magkaibang tao ang gagawa o ang ibang tao ay supposed to be isang honorable,” pagtatapos pa niya.
Kaugnay nito, matatandaang nagawa na ring humingi ng dispensa ni Suntay kay Anne nito ring Miyerkules, Marso 4, 2026, at iginiit niyang hindi raw niya sinadya na maging malisyoso ang kaniyang pahayag.
“But kung may nasaktan. Humihingi tayo ng dispensa. Kay Ms. Anne Curtis din, kung nasaktan siya sa sinabi, uulitin ko, there was no malice intended at tayo humihingi ng dispensa sa kanya,” ‘ika ni Suntay.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na reaksyon, tugon, o pahayag si Anne kaugnay sa nasabi ni Suntay patungkol sa kaniya.
KAUGNAY NA BALITA: Rep. Bong Suntay, nag-sorry kay Anne Curtis: ‘There was no malice intended!’
KAUGNAY NA BALITA: 'Hindi puwedeng sabihin na walang krimen:' Palasyo, nag-react sa 'pantasya' ni Suntay
Mc Vincent Mirabuna/Balita