Humingi ng paumanhin na may kasamang pasubali si 4th District Quezon City Rep. Bong Suntay kay “It’s Showtime” host Anne Curtis.
Sa panayam ng media kay Suntay nitong Miyerkules, Marso 4, sinabi ng kongresista na hindi raw niya sinadya na maging malisyoso ang kaniyang pahayag.
“While may mga tao siguro that found the analogy in bad taste, doon sa mga na-offend, inuulit ko, walang malice doon sa ninais nating gawin doon sa statement na iyon. Ayaw natin makasakit through that analogy," saad ni Suntay.
"But kung may nasaktan," pagpapatuloy niya, "humihingi tayo ng dispensa. Kay Ms. Anne Curtis din, kung nasaktan siya sa sinabi, uulitin ko, there was no malice intended at tayo humihingi ng dispensa sa kanya.
Dagdag pa ng kongresista, "[T]otoo 'yong it was a fictitious situation na aking ginawa. Isa lang ang totoo doon. Yung sinabi kong ang ganda-ganda niya."
Iginiit din niyang hindi umano impeachable o criminal offense ang “imagination” at “desire.”
Aniya, “Pinakita sa video 'yong kay VP Sara at one of the allegations being used for the impeachment ay 'yong desire at saka yung kanyang imagination to inflict harm."
"Sabi ko nga, desire and imagination is not an impeachable offense," dugtong pa ni Suntay.
Kaya naman pinaninindigan pa rin niya umano ang kaniyang naging pahayag.
"I stand by my statement," sabi niya. "That analogy was used to prove that statements are oftentimes taken out of context. Nagsisisi ako na may nasaktang mga kababaihan because that was never the intention ng aking statement."
Binanggit ni Suntay ang kontrobersyal na pahayag tungkol kay Anne sa gitna ng kaniyang manifestation sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ibinahagi niya ang isang personal na halimbawang tumukoy kay Anne bilang analohiya sa naging partisipasyon umano ng Bise Presidente sa mga rally at sa mga pahayag nito tungkol sa pagiging “designated survivor.”
Aniya, “Minsan nasa Shangri-La ako, nakita ko si Anne Curtis. Ang ganda-ganda pala niya. You know, may desire sa loob ko na nag-init talaga, at na-imagine ko na lang kung ano ang puwedeng mangyari.”
“Pero siyempre hanggang imagination lang ’yon,” dugtong pa ni Suntay.
Nauna na niyang ipinaliwanag sa isang panayam na imaginary situation lang umano ang kaniyang sinabi patungkol kay Anne. Naniniwala pa nga siyang papuri pa nga ito sa huli.
Maki-Balita: 'There’s nothing sexual sa sinabi ko!' Rep. Suntay, ipinaliwanag naging pahayag tungkol kay Anne Curtis
Ngunit umani pa rin ng samu’t saring batikos mula sa kababaihan ang kongresista at inobliga siyang mag-sorry kay Anne.