Nagdesisyon ang House Committee on Justice na ang ikatlo at ikaapat na impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte ay "sufficient in substance," sa pagpapatuloy ng pagdinig nitong Miyerkules, Marso 4, 2026.
Sa botong 54 pabor at isa ang tumutol at walang nag-abstain, idineklara ng komite na sapat sa substansiya ang ikaapat na impeachment complaint laban kay VP Sara.
Dahil dito, umabot na sa dalawa ang bilang ng mga reklamong pumasa sa naturang pagsusuri ng komite, matapos na makitang sufficient in substance din ang ikatlong impeachment complaint.
Tanging si Quezon City 4th District Rep. Jesus Manuel “Bong” Suntay** lamang ang bumoto laban sa ikaapat na impeachment complaint.
Ang naturang reklamo ay inihain ni Atty. Nathaniel Cabrera at inendorso nina Manila 65h District Rep. Bienvenido Abante, Jr. at Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V.
Matapos ang dalawang desisyon, naghain ng mosyon si San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora na nagsisilbing vice chairperson ng komite, upang maglabas ng notice para kay Duterte na nag-uutos sa kaniya na sagutin ang mga reklamo.
Inaprubahan naman ito ni Batangas Rep. Gerville Luistro, chairperson ng komite, matapos itong ma-second at walang tumutol sa mosyon.
Ayon sa ikaapat na impeachment complaint, may pitong batayan ang reklamo laban sa bise presidente, na kahalintulad din ng mga alegasyong nakapaloob sa impeachment complaint na inihain ng 215 mambabatas noong Pebrero 5, 2025.
Kabilang sa mga alegasyon ang culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, at iba pang high crimes kaugnay umano ng sinasabing assassination plot, sedition, at subversion ng constitutional order.
Kasama rin sa reklamo ang betrayal of public trust, graft and corruption kaugnay ng umano’y maling paggamit at malversation ng confidential funds (CF).
Binanggit din ang umano’y graft and corruption, bribery, procurement irregularities, at command responsibility dahil sa umano’y pamamahagi ng pondo ng gobyerno sa mga hindi awtorisadong benepisyaryo.
Isa pang alegasyon ang umano’y pagsuhol sa mga opisyal ng Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng mga monetary gift, gayundin ang isyu ng hindi maipaliwanag na yaman, paglabag sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at mga bank records at financial forensics.
Kasama rin sa mga paratang ang umano’y pattern of abuse, pagbabanta, pag-uudyok, at pakikialam sa civilian supremacy, gayundin ang cumulative misconduct doctrine.
Sa ilalim ng House Rules ng 19th Congress na pinagtibay ng 20th Congress, partikular sa Rule II ng Rules of Procedure in Impeachment Proceedings, kinakailangang padalhan si Duterte ng kopya ng mga reklamo.
Inaatasan din siyang magsumite ng sagot sa loob ng 10 calendar days matapos matanggap ang notice. Pagkatapos nito, maaari namang magsumite ng kanilang tugon ang mga complainant.
Samantala, nauna nang isinantabi ng komite ang unang impeachment complaint laban kay VP Sara matapos itong ituring na lumalabag sa one-year bar rule, na nagsasaad na isang impeachment proceeding lamang ang maaaring simulan laban sa isang opisyal sa loob ng isang taon.
Ang ikalawang impeachment complaint na inihain din noong Pebrero 2 ng opposition coalition na "Tindig Pilipinas" ay binawi na ng grupo upang suportahan ang ikatlong impeachment complaint na inihain ng mga pari, religious leaders, at mga abogado na naglalaman ng kaparehong alegasyon.
Maki-Balita: Tindig Pilipinas, babawiin impeachment complaint nila laban kay VP Sara