March 02, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Ano ang viral illness na Herpangina?

ALAMIN: Ano ang viral illness na Herpangina?
Photo courtesy: DOH

Naikuwento kamakailan ng aktres na si Kaye Abad ang kaniyang diagnosis at pagpapagaling mula sa viral illness na Herpangina. 

Nang i-post ni Kaye ang kaniyang candid video noong Sabado, Pebrero 28, siya ay nasa ikatlong araw na ng kaniyang self-isolation, at sa mga nagdaang araw na ito, ibinahagi niyang nakaramdam siya ng lagnat, panghihina, at pagkawala ng gana sa pagkain. 

Ngunit maririnig sa nasabing video na ang pinaka idinadaing ng aktres ay ang sakit na nararamdaman mula sa mga lumabas na sores at blisters sa loob ng kaniyang bibig. 

Dahil dito, oatmeal at liquified foods lamang ang nakakayang kainin ni Kaye, dahil lubos daw siyang nahihirapan kumain, magsalita, at kahit ngumiti. 

“Good thing na wala akong sores sa throat, I can still drink water. Cold water helps kasi medyo nawawala ‘yong stingy feeling,” saad ng aktres, dahil karamihan ng sores at blisters niya ay nasa bandang cheek area ng kaniyang bibig. 

Human-Interest

ALAMIN: Bakit inatake ng US at Israel ang Iran na nagdulot ng tensyon sa Middle East?

Bagama’t kamakailan lamang daw niya narinig ang viral illness na Herpangina, para maibsan ang sakit na dinaramdam, cold compress at temporary numbing gels ang kaniyang remedyo. 

MAKI-BALITA: ‘Masakit siya guys!’ Kaye Abad, dinapuan ng isang viral illness na ngayong lang niya narinig

Dahil dito, ano ba ang mga dapat malaman tungkol sa sakit na Herpangina? 

Ayon sa Walsh Medical Media, ang Herpangina, bagama’t kadalasang kumakapit sa mga sanggol at mga batang nasa edad 10 pababa, ay posible ring dumapo sa adults dahil sa posibleng pagkahawa sa mga bata o iba pang kasama sa bahay na infected nito. 

Sa pag-aaral na ito, ang Herpangina ay kadalasang naililipat sa pamamagitan ng laway, direct contact mula sa sugat, o kaya’y dumi. 

Habang iba-iba ang mga lumalabas na sintomas sa bawat tao, ayon sa Medical News Today, ang mga kadalasang senyales ng Herpangina ay mga sumusunod: 

- Mataas na lagnat

- Sore throat o pananakit ng lalamunan

- Blisters o Ulcers sa lalamunan at bibig, kung saan kakikitaan ito ng kulay abo o pulang paligid

- Kawalang-gana sa pagkain

- Hirap sa paglunok

- Pananakit ng ulo at leeg

- Pamamaga ng lymph glands o kulani 

Kadalasan din, ang Herpangina infection ay gumagaling sa loob ng pito hanggang 10 araw. 

Gayunpaman, inaabiso sa pag-aaral na ito na magtungo sa doktor kung ang lagnat ay hindi nawawala, kung nakararanas na ng pagsusuka at diarrhea nang ilang araw, at kung ang mouth at throat sores ay tumagal na ng higit limang araw. 

Sa mga araw na nararamdaman ang epekto ng Herpangina, binanggit sa pag-aaral na madalas inirerekomenda ng mga doktor ang pain-relief medication upang maibsan ang lagnat, sakit ng ulo, at mga sugat sa bibig at lalamunan. 

Upang maiwasan, inirerekomenda ang maagap na paghuhugas ng kamay at pagtatakip ng bibig at ilong tuwing uubo at babahing. 

Gayundin ang maiging disinfection ng mga kagamitan at mga parte ng bahay na palagiang hinahawakan tulad ng lamesa, lababo, at mga doorknob.

Sean Antonio/BALITA