Ipinaliwanag ng Tindig Pilipinas kung bakit nila inuurong ang ikalawang impeachment complaint nila laban kay Vice President Sara Duterte.
Ang naturang grupo ng civil society na naghain ng ikalawang impeachment complaint laban kay Duterte ay nagsabing ibibigay na lamang nito ang buong suporta sa ikatlong impeachment complaint na inihain ng mga religious group, pari at abogado.
“As the petitioners of the 2nd impeachment complaint against Vice President Sara Duterte, we have decided to withdraw our case, and lend our full support behind the 3rd impeachment complaint containing the same grave allegations and substantial evidence as ours,” pahayag ng organisasyon sa isang statement nitong Linggo. Marso 1, 2026.
“Consolidating our support behind the third complaint will strengthen our position and help move the case forward to the Senate impeachment court,” dagdag pa nito.
Ang ikalawang impeachment complaint ay inihain noong Pebrero 2 nina Tindig Pilipinas convenor Kiko Aquino Dee, dating presidential peace process adviser na si Ging Deles, Father Flavie Villanueva at iba pa. Inendorso ito nina ML Party-list Representative Leila de Lima at Akbayan Representative Percy Cendaña.
Inakusahan ng Tindig Pilipinas at iba pang complainant si Duterte ng paglabag sa Konstitusyon, graft and corruption, panunuhol at pagkakaroon umano ng hindi maipaliwanag na yaman, gross incompetence at abuse of power, at pag-tolerate sa extrajudicial killings.
“We believe that the impeachment process must proceed at the earliest possible time, free from procedural limbo and unnecessary legal delays that would otherwise obstruct the process. Dapat nang managot si VP Sara sa pandarambong at pang-aabuso niya sa kapangyarihan sa lalong madaling panahon [VP Sara must be held accountable for plunder and abuse of power as soon as possible],” ayon pa sa grupo.
Pormal na ihahain ng Tindig Pilipinas ang kanilang pag-urong ng reklamo sa Lunes, Marso 2.
Ang ikatlong impeachment complaint na inihain noong Pebrero 9 ng mga religious group, pari at abogado ay nag-aakusa kay Duterte ng betrayal of public trust at graft and corruption kaugnay ng umano’y maling paggamit ng hindi bababa sa ₱612 milyong confidential funds.
Kung mapatunayang sapat ang nilalaman ang mga reklamo, aabisuhan ng House Committee on Justice ang Bise Presidente na magkakaroon ng 10 araw upang magsumite ng kaniyang sagot.
Magkakaroon naman ng tatlong araw ang mga complainant para tumugon, at tatlong araw din ang respondent upang magsumite ng rejoinder.
Pagkatapos nito, boboto ang komite kung may probable cause, na nangangailangan ng mayoryang boto ng lahat ng miyembro nito.
Kapag hindi bababa sa isang-katlo ng mga miyembro ng Kamara ang bumoto upang pagtibayin ang ulat ng komite sa plenaryo, isusumite ang Articles of Impeachment sa Senado para sa paglilitis.