Ipinagdiriwang ng Philippine Airlines (PAL) ang ika-85 anibersaryo nito sa pamamagitan ng isang espesyal na seat sale sa pagpasok ng Marso 2.
Batay sa press release ng airlines, opisyal nang ilulunsad ang kanilang pinakamalaking anniversary deals, tampok ang pamasahe na may temang “85” bilang pagpupugay sa makasaysayang milestone nito.
Taon-taon, nag-aalok ang PAL ng mga espesyal na promo bilang bahagi ng pagdiriwang ng kanilang anibersaryo. Ngayong 2026, inaasahang mag-aalok sila ng ₱85 seat sale sa mga biyahero.
Saklaw ng seat sale ang parehong domestic at international routes sa buong network ng PAL. Dahil dito, magkakaroon ng pagkakataon ang mga pasaherong makapagplano ng kanilang mga biyahe sa mga susunod na buwan—mula sa bakasyon kasama ang pamilya hanggang sa business travel at iba pang mahahalagang lakad.
Bagama’t hindi pa inilalabas ang buong detalye ng promo, kinumpirma ng PAL na magkakaroon sila ng tematikong ugnay sa kanilang ika-85 taon.
Anila pa, ang kompletong impormasyon, kabilang ang travel periods at blackout dates, ay iaanunsyo sa mismong araw ng paglulunsad sa Marso 2 sa pamamagitan ng opisyal na mga channel ng airline.