May 21, 2026

Home BALITA Metro

Grade 9 student, kinuyog ng 4 na kalalakihan dahil sa selos!

Grade 9 student, kinuyog ng 4 na kalalakihan dahil sa selos!
Photo courtesy: Contributed photo

Isang Grade 9 student ang nagtamo ng mga sugat matapos bugbugin ng apat na kalalakihan sa harap mismo ng barangay hall sa Sampaloc, Maynila.

Hinala pa ng barangay, tangkang sasaksakin pa ang biktima gamit umano ang isang ice pick na nalaglag habang nagkakagulo.

Ayon sa mga ulat, makikita sa CCTV na mag-isang naglalakad si alyas “Jonathan” sa tapat ng barangay hall ng Barangay 520 pasado alas-12:30 ng tanghali noong Huwebes, Pebrero 26, 2026.

Ilang sandali pa, dalawang lalaki ang biglang sumugod at pinagsusuntok ang biktima hanggang sa ito’y matumba sa kalsada. Kahit nakahandusay na, patuloy pa rin ang pananakit habang ilang babaeng estudyante ang nagtangkang umawat.

Habang pinagtutulungan ang biktima, isang indibidwal na nakasuot ng pulang t-shirt ang lumapit at tumigil sa kanilang harapan. Ayon sa barangay, kasabwat umano ito ng mga nanakit. Hindi man malinaw sa video, may pinulot umano itong bagay na nahulog mula sa mga suspek.

Metro

73-anyos, patay sa gitna ng paghihintay para makabili ng murang bigas

Makalipas ang ilang sandali, isa pang estudyante ang dumating at sinipa sa mukha ang biktima bago tuluyang tumakas ang mga suspek nang mapansin ang pagdating ng mga tauhan ng barangay.

Ayon sa barangay, nagsimula ang insidente dahil sa selos ng isa sa mga suspek na inakalang nililigawan ng biktima ang kaniyang nobya.

“Eh kasi ayaw na ng babae sa kaniya eh tapos sabi naman ng babae, nag-break na sila… binabantaan pa siya na gugulpihin nga daw ‘yung barkada nila na ‘yun na pinagseselosan niya,” pahayag ni Kagawad Yolanda Correa ng Barangay 520 sa panayam sa media.

Nabatid din na ang bagay na pinulot ng nakapulang suspek ay pinaghihinalaang ice pick.

“Tinanong namin yung nakapula sabi niya vape daw pero ang pinagdiinan ng mga kasamahan no’ng nabugbog, ice pick daw ‘yon… Sabi naman gusto nilang tuluyan kaya lang maagap si kapitana kaya naagapan,” dagdag pa ni Correa.

Isinugod sa ospital ang biktima matapos magtamo ng mga pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Tatlo sa apat na suspek ang kusang isinuko ng kanilang mga magulang sa barangay. Dalawa sa kanila ay nasa hustong gulang, habang ang menor de edad na pangunahing nagselos umano ay maaaring isailalim sa act of discernment ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Dinala ang mga suspek sa himpilan ng pulisya sa Sampaloc para sa pagsasampa ng kaukulang reklamo. Patuloy namang tinutugis ang isa pang suspek na umano’y sumipa sa mukha ng biktima, habang hinihintay pa ang pahayag ng mga naaresto.