February 27, 2026

Home BALITA National

Mike Defensor, pinabulaanang may direktang kaugnayan sa 18 ex-marines

Mike Defensor, pinabulaanang may direktang kaugnayan sa 18 ex-marines
Photo courtesy: File Photo

Nilinaw sa publiko ni dating Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na wala raw siyang direktang pakikipag-ugnayan sa lumabas na 18 na mga dating miyembro ng Philippine Marines. 

Ayon sa naging panayam ng True FM kay Defensor nitong Biyernes, Pebrero 27, 2026, nauna muna niyang ikuwento ang tungkol sa isyung isiniwalat ni dating Sergeant Orly Guteza sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noon. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Basura scheme?' Pagdeliver ng mga pera sa bahay nina Romualdez, Co, ikinanta ng dating sundalo

“Matapos ‘yong paglabas ni Sergeant Guteza, maraming pakikipag-usap sa mga retired officers, maraming pakikipag-usap sa mga taong masasabi nating may kaugnayan sa sa isyung ito,” pagsisimula ni Defensor. 

Dagdag niya, “Ako naman, syempre, nasa interes ko rin na, una, malaman kung nasaan si Sgt. Guteza at pangalawa, malaman o mabigyan pang substansya ‘yong mga binabanggit niya.” 

National

Atty. Kaufman, dumepensa sa inilatag na Bulacan Big Time operation ng ICC Prosecution

Pagpapatuloy ni Defensor, nagulat daw siya nang makausap ang tumatayong abogado ng 18 ex-marines na si Atty. Levito “Levi” Baligod na may kaugnayan na ito sa nasabing mga dating opisyal. 

“Nagulat na nga ako na nitong kailan, nakausap ko rin si Atty. Baligod, may kasama rin ‘yan na mga sundalo para matulungan at mailabas itong isyung ito. Nabanggit na niya nga sa akin kung ano ang hangarin, kung ano ‘yong mga sinasabi, kung ano ‘yong direksyon nitong, hindi lang 18 ‘yan, na mga sundalong ito,” pagkukuwento niya. 

Ani Defensor, naintindihan daw niya sa pakikipag-ugnayan niya kay Baligod ang dahilang nais daw labanan ng 18 ex-marines ang korapsyon kaya napagdesisyunan nilang lumitaw sa publiko. 

“Siguro ang bottom line na nare-recall ko na narinig ko kasi sa kanila is kung tayo nga, namamatay tayo para sa bansa [at] handa tayong ialay ang buhay natin, e ito pa, nakita na natin ‘yong isyu talaga. Ito na ‘yong kalaban, ‘yong korapsyon na nangyari sa bansa na napipinsala ang karamihan,” aniya. 

Paglilinaw ng dating mambabatas, si Baligod lang daw ang makausap niya at hindi raw siya nagkaroon ng direktang pakikipag-ugnayan sa 18 ex-marines. 

“Mula doon, hindi ko nakausap ‘yong mga sundalo. Wala akong direktang pakikipag-ugnayan sa kanila kundi kay Atty. Levi lamang,” ‘ika niya. 

“Namo-monitor ko at nag-usap kami ni Atty. Levi kung ano ‘yong mga nangyari. Syempre… tumutulong naman ako kung ano ‘yong puwede kong maitulong sa grupong ito,” pagtatapos naman ni Defensor. 

KAUGNAY NA BALITA: Dating mga kasamahan umano ni Orly Guteza sa pagdadala ng male-maletang pera, lumantad!

KAUGNAY NA BALITA: Security personnel ni Co, pinatotohanan testimonya ni Guteza; naghahatid umano ng male-maletang pera sa bahay ni PBBM

Mc Vincent Mirabuna/Balita