Inihayag ng Presidential Security Command (PSC) na walang naitalagang security personnel para kay Sen. Imee Marcos na siyang nakatatandang kapatid ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa confirmation hearing sa harap ng Commission on Appointments (CA) noong Miyerkules, Pebrero 25, 2026, kinumpirma ni PSC commander Rear Admiral Andro Val Abayon na mandato ng kanilang yunit ang pagbibigay ng seguridad sa First Family, kabilang ang mga kapatid ng Pangulo.
Sa pagtatanong ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, inamin ng hepe ng seguridad ng Pangulo na habang may nakatalagang team para kay Irene Marcos-Araneta, bunsong kapatid ng Pangulo, ay wala namang personnel na naka-detail para kay Sen. Imee.
Ayon kay Abayon, agad niyang sinuri ang security plans at close-in security deployment ng PSC pag-upo niya sa puwesto tatlong buwan na ang nakalilipas.
“And when I checked all the personnel assigned, I noticed that there was no personnel assigned to (Imee),” ani Abayon.
Tinanong naman siya ni Lacson, “What do you intend to do about it now that you’re the head of the PSC?”
Sumagot ang PSC chief, “It is mandated for us to protect the siblings and I will talk to the good senator for the preparation of her security.”
“I will prepare security teams for our good senator… That’s the mandate, your honor,” dagdag pa niya.
Dumalo sa naturang pagdinig si Imee bilang miyembro ng CA ngunit hindi ito nagbigay ng komento hinggil sa usapin.
Matatandaang inamin ni Imee na nagkaroon ng hidwaan sa pagitan nila ng kanyang kapatid matapos ang naging matinding bangayan nito sa kaniyang dating running mate na si Vice President Sara Duterte.
Lalong tumindi ang isyu nang akusahan ni Imee ang Pangulo, si First Lady Liza Araneta-Marcos, at kanilang mga anak ng paggamit umano ng ilegal na droga—na naglantad ng mas malalim na bitak sa isa sa pinakamakapangyarihang pamilya sa pulitika ng bansa.
Samantala, nagtanong din si Sen. Jinggoy Estrada kung ano ang gagawin ni Abayon sakaling tumanggi ang Pangulo na magtalaga ng security detail para sa sarili nitong kapatid.
Sandaling tumigil si Abayon bago sumagot: “I’ll cross the bridge when I get there,” na nagdulot ng tawanan sa loob ng bulwagan.