Naghayag ng sentimyento si Sen. Panfilo “Ping” Lacson kaugnay sa pagtawid ni Sen. Loren Legarda sa kabilang bloke ng Senado matapos ang palit-liderato.
Matatandaang bahagi noon si Legarda ng majority bloc ngunit nang magkaroon ng kudeta sa Senado ay binoto niya bilang Senate President si Sen. Alan Peter Cayetano.
Kaya sa panayam ng DZMM nitong Martes, Mayo 12, sinabi ni Lacson na dama raw niya ang himutok ni dating Senate President Tito Sotto sa ginawa ni Legarda.
“Posibleng hindi lang ma-express ni Sen. Sotto 'yong ini-express ko ngayon, pero I can feel him na gano'n ang kaniyang sentimyento kasi mas close sila ni Sen. Loren kaysa sa amin. Talagang very close,” saad ni Lacson.
Dagdag pa niya, “Hindi ko inaalis na bumoto siya sa kabila. Ang sa akin lang, ang sentimyento lang, sana nakapagpasabi muna bago siya bumoto. Hindi 'yong nabulaga kami na nawala siya sa amin.”
Sa kasalukuyan, si Legarda na ang tumatayong Senate President Pro Tempore, na posisyon noon ni Lacson bago magpalit-liderato.
Gayunman, nilinaw ni Lacson na hindi umano isyu sa kaniya ang tungkol dito dahil hindi naman siya atat sa naturang puwesto.
Kaugnay na Balita: Palit-liderato sa Senado, walang kinalaman sa impeachment—Cayetano
Samantala, sa isang pormal na pahayag, sinabi ni Legarda na ibibigay niya ang buong suporta sa bagong luklok na Senate President gayundin sa majority at minority bloc.
“Let us communicate openly, combine our collective wisdom, and protect the integrity of this institution,” dugtong pa niya.