February 26, 2026

Home BALITA National

DICT, kinokonsidera pag-ban sa isang online messaging platform

DICT, kinokonsidera pag-ban sa isang online messaging platform
Photo courtesy: Henry Aguda (FB), Unsplash

Inoobserbahan na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang isang sikat na messaging platform sa bansa dahil sa mga umano’y laganap na paglabag nito sa mga regulasyon. 

Sa panayam ni DICT Sec. Henry Aguda sa media noong Miyerkules, Pebrero 26, ibinahagi niya na ilan sa mga isyung nakikita na laganap sa messaging platform na Telegram ay ang online gambling, scam, pamimirata, illegal drug trade, at online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC). 

“‘Yong Telegram po, based sa Russia. Nakikipag-coordinate kami, medyo ang hirap kausapin, [Kaya] pinag-aaralan na namin na i-ban siya,” saad ni Aguda. 

Aniya, pinaka-talamak sa messaging platform na ito ang sugal dahil dito raw nagsilipatan ang illegal gambling operators, bukod sa pagkalat pa ng pornograpiya, at sexual abuse at exploitation. 

Kaya tiniyak ni Aguda na agad nila itong iba-ban kapag patuloy pang kumalat rito ang samu’t sari pang isyu sa cyberspace. 

National

Davao journo, nag-demand ng public apology sa ICC prosecutor; kakasuhan kapag hindi ginawa!

“Kapag may nakita pa kami na talagang talamak at walang pagbabago, iba-iban na lang natin ang Telegram. Marami namang other options na puwedeng puntahan,” babala ng kalihim. 

Saad pa ni Aguda, nakipag-ugnayan na rin sila sa Meta upang mapag-usapan ang pagbabawal ng mga kaparehang isyu sa apps na hawak nila tulad ng Facebook, Messenger, at Instagram. 

Sa kaugnay na ulat, una nang naaresto sa France ang co-founder at CEO (Chief Executive Officer) na si Parrel Durrov noong 2024 dahil sa kakulangan ng regulasyon sa kaniyang online platform, kabilang ang mga isyu ng drug trafficking, child sexual abuse content, at fraud. 

Bagama’t nakapagpiyansa upang makalabas, patuloy pa rin na iniimbestigahan si Durrov, ayon sa ilan pang ulat ng media. 

Sean Antonio/BALITA 

Inirerekomendang balita