Diretsahang nagbigay ng kaniyang mensahe at saloobin si Asia's King of Talk Boy Abunda kaugnay sa isyung kinasangkutan ng mister ni Izzy Trazona na si Alvin Aragon, sa kaniyang programang "Fast Talk with Boy Abunda" noong Miyerkules, Pebrero 25.
Matatandaang nag-guest pa sina Izzy at Alvin sa nabanggit na programa bago pa man ma-bash nang husto ang dating StarStruck avenger, dahil sa mga naging pahayag niya tungkol sa hindi pagsama ng misis sa reunion concerts ng SexBomb Girls, at pananaw tungkol sa homosexuality gayundin sa ilang celebrity parents na may anak na miyembro ng LGBTQIA+ community na "hinayaan" daw ang mga anak na gawin ang gusto nila.
Saad ni Abunda, bagama’t nirerespeto niya ang pananampalataya at paniniwala ni Aragon, naniniwala siyang “sumobra” ito sa mga naging pahayag tungkol sa pagtanggap ng mga magulang sa kanilang mga anak na kabilang sa LGBTQIA+ community.
Ayon kay Abunda, maaaring nanggagaling si Aragon sa perspektibo ng relihiyon, ngunit hindi umano nito maaaring ipilit ang sariling paniniwala at estilo ng pagpapalaki sa iba.
Binigyang-diin ni Tito Boy na masakit para sa maraming magulang at miyembro ng LGBTQIA+ community ang tila paghusga sa mga magulang na piniling yakapin ang kanilang mga anak nang may pagmamahal, dignidad, at malasakit.
Tinukoy rin ng TV host sina K Brosas, Ian Veneracion, at Gloc-9, na aniya’y hindi dapat ginagamit na halimbawa upang sabihing mali ang pagtanggap sa mga anak na kabilang sa LGBTQIA+ community.
Sa huli, ibinahagi ni Abunda ang kaniyang paninindigan bilang isang miyembro ng LGBTQIA+ community. Aniya, naniniwala siya sa isang Diyos na mabait, maunawain, at mahabagin. Sinipi pa niya si St. John of the Cross: “In the evening of life we will all be judged on love and love alone.”
"Alvin, you cannot impose your faith. You cannot impose your parenting style. You cannot impose yourself on us… Walang puwedeng magsabi sa amin, not you, not anyone. Kung iba ang iyong paniniwala, iba ang iyong faith, sobra ang paggalang ko sa’yo."
"As a matter of fact pagdating nila dito, I found Izzy really beautiful inside and out. Alvin was so funny. We had a wonderful experience with them… Pupunta ba ako sa impyerno because I am gay? At pupunta ba ang mga magulang na yumayakap sa kanilang mga anak with love and dignity? Hindi kami pupunta ng impyerno because ako, I believe in a God who’s kind, I believe in a God who’s compassionate, I believe in a God who is all understanding, I believe in a God na makikita ang aking kalooban…"
"Sinabi ni St. John of the Cross, and listen, ako gusto ko itong pakinggan ni Alvin, ‘in the evening of life we will all be judged on love and love alone,'" pahayag ni Abunda.
Sa kabila ng kaniyang pagtutol sa naging pahayag ni Aragon, nilinaw ni Abunda na handa siyang makinig at makipag-usap, ngunit nananatili siyang matatag sa paniniwalang ang pagmamahal at pagtanggap ang dapat manaig.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Alvin hinggil dito.
Kaugnay na Balita: KILALANIN: Si Alvin Aragon na bina-bash dahil sa misis na si Izzy Trazona, pananaw sa homosexuality