Tila naniniwala ang World Health Organization (WHO) na posible umanong naipasa ang sakit na Hantavirus sa paraang “rare human-to-human transmission” sa tatlong pasaherong nasawi sa cruise ship na MV Hondius na naglayag mula sa Argentina.
Batay sa pahayag ng opisyal ng WHO na si Maria Van Kerkhove, maaari umanong naipasa ang sakit sa “really close contacts,” na kadalasang nakukuha mula sa “rodents” o daga.
"We do believe that there may be some human-to-human transmission that is happening among the really close contacts," saad ni Van Kerkhove.
Base sa mga ulat, pitong kaso ang naitala ng WHO—kung saan dalawa ay kumpirmado at lima ang hinihinala pa.
Dalawa sa kumpirmadong kaso ay namatay, samantalang ang isa pa ay nasawi rin ngunit hindi kumpirmadong ito nga ay may Hantavirus.
Anang WHO, bihira ang sakit na Hantavirus ngunit ito ay maaaring makapagdulot ng matinding komplikasyon at pagkamatay sa taong magkakaroon nito.