Nilinaw ng pamunuan ng Miss Universe Philippines ang kumakalat na video na kinasasangkutan ng kanilang CEO at President na si Jonas Gaffud, na umano’y nagpapakitang may inihampas itong technical staff gamit ang cellphone sa gitna ng coronation night na ginanap sa SM Mall of Asia Arena noong Mayo 2, 2026.
Kaugnay ito sa apat na beses na microphone glitch sa isa sa mga presenter na si Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition season 1 Kapamilya 2nd placer Ralph De Leon, na hindi marinig sa live audience ang pagbabasa niya ng spiels, pero dinig naman sa mga nanonood online.
Dahil dito, inakala ng mga manonood sa social media na nagkamali si Ralph o kinabahan kaya ginawan tuloy siya ng memes, kahit na ang totoo, nagkaroon lamang ng technical difficulties pagdating sa mikropono.
Maki-Balita: ‘Tomorrow na lang!’ Ralph De Leon, dinogshow ng netizens sa MUPH 2026
Sa panayam ng News5, ipinaliwanag ni Executive Vice President Voltaire Tayag ang tunay na nangyari sa likod ng viral clip.
Ayon kay Tayag, nag-ugat ang insidente sa aberya sa mikropono ni Ralph. Dahil dito, sinubukan umano ni Jonas na kontakin ang production team, ngunit nahirapan siyang makakuha ng signal.
Dagdag niya, ang galaw ni Jonas na nakita sa video ay hindi pag-atake sa sinuman kundi isang reaksiyon sa matinding pagkadismaya; bagama't wala raw nasaktan na sinuman sa ginawa nito.
Kung titingnan ang video, hinampas ni Jonas ang hawak na cellphone sa mesa, at ang lalaking nasa kaniyang bandang harapan, ay mahihinuhang nagulat sa ginawa niya at bahagyang napailag.
Ibinahagi rin niya na maging siya ay nag-alala pa na baka nasira ang cellphone ni Jonas sa ginawa nitong paggalaw, at kalaunan ay nagbiro pa sila tungkol dito.
Ayon pa sa opisyal, nauunawaan niya ang emosyon ng pageant head dahil sa laki ng oras, pagod, at puhunan na inilaan upang masiguro ang maayos na daloy ng prestihiyosong kompetisyon.
Aniya, natural lamang na makaramdam ng frustration ang sinumang bahagi ng production kapag nagkaroon ng teknikal na aberya sa kritikal na sandali.
Iginiit din niya na hindi makatarungang husgahan si Jonas batay sa iisang insidente lamang, at hinikayat ang publiko na isaalang-alang ang mga nagawa nito para sa pageant industry at sa mga kandidata ng Miss Universe Philippines.
Sa kabila ng kontrobersiya, may ilang netizens din ang nagpahayag ng pag-unawa sa naging reaksyon ni Gaffud, na ayon sa kanila ay bunga ng hangaring mapanatiling maayos at de-kalidad ang kabuuang produksyon ng coronation night.