Isa sa mga lagi’t laging inaabangan ng mga nursing student sa yugto ng kanilang pinning at capping ceremony ay ang pagpasok at paglalakad ng tinatawag nilang “Lady with the Lamp.”
Kadalasan, ang pinipili umanong magiging “Lady with the Lamp” awardee sa kanilang seremonya ay ang estudyanteng taglay ang talino, pamumuno, disiplina, at malasakit sa kapuwa kagaya ng mga pag-uugaling taglay din ng babaeng kinilala sa naturang bansag.
Tuwing sasapit ang Mayo 6, sinisimulan ang selebrasyon para sa National Nurses Day at National Nurses Week na matatapos naman pagsapit ng Mayo 12 kung saan ito ang nakatakdang araw para ipagdiwang ang kaarawan ng babae sa likod ng bansag na “Lady with the Lamp.”
Ngunit sino nga ba ang babaeng nasa likod ng bansag na “Lady with the Lamp” at bakit siya mahalaga para sa mga nursing student, hindi lang sa Pilipinas kundi pati na rin sa buong mundo?
Kilalanin si Florence Nightingale, isinilang siya noong Mayo 12, 1820 sa Florence sa bansang Italy. Isang British nurse, statistician, social reformer, at kinikilala rin bilang “Mother of Modern Nursing.”
Ayon sa tala ng Encyclopedia Britannica, nakapagsanay ng panggagamot sa Institution of Protestant Deaconesses sa Kaiserswerth, Germany si Nightingale sa loob ng dalawang linggo noong Hulyo 1850 at tatlong buwan ulit noon naman Hulyo 1851.
Noong 1853, naging superintendent siya sa Institution for Sick Gentlewomen sa Distressed Circumstances sa London kung saan mas nasanay pa niya ang mga kaalaman niya sa nursing care, working conditions, at kahusayan sa paglilingkod sa ospital.
Nang sumapit ang 1853, nagdeklara ng digmaan ang Turkish Ottoman Empire laban sa imperyo ng Russia. Nagtulong-tulong ang mga British, French, at iba pang mga kakampi ng bansang Turkey para pigilan ang paglawak at pananakop ng Russia.
Karamihan sa naging labanan ng mga naturang bansa sa digmaan at naganap sa Crimean Peninsula sa Russia. Sa kabila nito, nakabase naman ang ospital ng mga British sa Scutari kung saan kalaunan ditong magsisilbi si Nightingale.
Ayon sa tala ng London Times at peryodistang si William Howard Russell, hindi nagkaroon ng epektibo at sapat na pagtrato sa mga sugatang British na sundalo na nagmumula sa digmaan dahil sa kakulangan ng basic supplies sa panggagamot.
Dahil dito, nagpadala ng sulat ang kalihim ng state at war ng British government na si Sidney Herbert kay Nightingale upang humiling na pangunahan ng huli ang isang grupo ng mga nurse para maglingkod sa mga base at ospital sa Scutari.
Oktubre 21, 1854 nang magsimulang maglakbay si Nightingale kasama ang aabot sa 38 na grupo ng mga babaeng nurse papunta sa Scutari at nakarating sila sa Barrack Ospital ng mga British noong Nobyembre 5, 1854.
Tila hindi pa tanggap ng mga medical officer sina Nightingale at ang kaniyang grupo sa nasabing base at ospital sa Scutari. Dito niya nakita ang kaawa-awang kalagayan ng naturang ospital, kakulangan ng mga suplay sa panggagamot, at hindi nakikiisang mga kasamahan para gamutin ang mga sugatan.
Limang araw umano ang lumipas nang manatili si Nightingale at ang grupo niya sa Scutari, dumating ang mga dagdag pang sugatang sundalo mula sa naging labanan sa Balaklava at Inkerman sa kanilang ospital at dito tila naging kalunos-lunos ang tagpo sanhi ng digmaan.
Simula nito, minabuti ni Nightingale na makakuha ng sapat na suplay sa panggamot sa pamamagitan ng paggamit niya ng pondong mula sa London Times at pinatulong niya ang mga asawa ng mga sundalo upang gawin ang mga gawaing labada. Dahil dito, nalinis ang mga ward sa naturang ospital at nabigyan ng mga basikong pag-aalaga ang sugatang mga sundalo.
Bukod pa rito, minabuti rin ni Nightingale na mapunan ang mga pangangailangan ng mga sundalong makaligo, magkaroon ng malinis na kasuotan, at sapat na makakain. Nabigyan din nila ng pagkakataon ang mga sundalong makapagpadala ng liham sa kanilang mga pamilya at magsagawa ng recreational activities para sa kanilang pagpapagaling.
Pinakamahalaga sa lahat, lagi umanong naglalakad si Nightingale sa mga ward ng sugatang mga sundalo tuwing gabi bitbit ang isang lampara. Dito siya nagsimulang tawaging “Lady with the Lamp” ng mga sundalo at nakuha niya rin ang respeto ng mga ito.
Dahil sa naging serbisyo ni Nightingale, naitalang nabawasan sa dalawang porsyento (2%) at higit pa ang mortality rate o dami ng mga namamatay na sundalo dahil sa digmaan. Naging matunog ang pangalan niya sa England dahil na rin sa mga pahayagan at sinasabi ng mga sundalo sa kanilang liham na ipinapadala nila sa kanilang mahal sa buhay.
Nang sumapit ang Mayo 1855, nagkaroon ng sakit ng “Crimean Fever” o maihahalintulad umano sa brucellosis si Nightingale. Dahil wala umanong sapat na gamot para sa karamdamang ito noon, tumatagal ang ganitong sakit hanggang sa 25 na taon.
Noong Marso 30, 1856, natapos ang Crimean War dahil sa Treaty of Paris at nakauwi si Nightingale noong Agosto 7, 1856, bilang isang magiting na babaeng bayani.
Noong 1859, nabigyan ng halagang £45,000 si Nightingale mula sa pinagsama-samang pondo at pribadong donasyon at ginamit niya ang ilan dito upang itayo ang Nightingale School of Nursing sa St. Thomas’ Hospital sa London at nabuksan ito noong 1860.
Isinulong ng naturang paaralan na itinayo ni Nightingale ang secular nursing education dahilan para maging respetadong desisyon para sa mga kababaihan noon ang mag-aral ng nursing at piliing tahakin ang propesyong angkop sa labas ng kanilang tahanan bilang kababaihan.
Nagsimulang gayahin ng iba’t ibang mga bansa sa buong mundo ang paraang ito ng edukasyon para sa nursing hanggang sa magkaroon ng epekto ang halaga ng “Lady with the Lamp” sa mga seremonya nga mga nursing student sa hinaharap dito sa Pilipinas.
Pumanaw si Nightingale noong Agosto 13, 1910, sa London, England.