Nagbigay ng reaksiyon si Tindig Pilipinas co-convenor Kiko Dee sa posisyon ng tito niyang si Sen. Bam Aquino kaugnay sa paglilitis sa kaso ng extrajudicial killing (EJK) sa Pilipinas.
Matatandaang kaliwa’t kanang batikos ang natanggap ng senador kamakailan matapos niyang sabihing sa Pilipinas daw sana nililitis ang mga kaso ng EJK sa bansa.
Sa katunayan, inakusahan pa nga siya ni dating Antonio Trillanes IV na nagpapapogi umano sa mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaugnay na Balita: 'Papogi lang sa mga DDS!' Trillanes, binweltahan si Sen. Bam
Matapos ito, pinabulaanan ni Sen. Bam ang bulung-bulungan na binabalak umano niyang tumakbong Bise Presidente sa 2028 elections.
Maki-Balita: Sen. Bam, itinangging tatakbo bilang Vice President sa 2028!
Sa eksklusibong panayam ng Balita nitong Miyerkules, Pebrero 25, sinabi ni Kiko na naiintindihan niya umano ang pinanggagalingan ng kaniyang tiyuhin.
“ Ako po naiintindihan ko 'yong pinanggagalingan ni Sen. Bam. I think, ayaw lang niyang i-concede na hindi kaya ng ating lokal na sistemang pangkatarungan 'yong mga kasong EJK,” saad ni Kiko.
“Gayunpaman,” pagpapatuloy niya, “sinabi ko naman sa kaniya na agree to disagree tayo rito dahil nakita ko rin kasi 'yong catharsis, 'yong konting paggaan ng loob ng ilang biktima ng EJK no'ng nalaman na nga nila na kakasuhan na nga si President [Rodrigo] Duterte sa ICC. “
Kaya naman nirerespeto raw ni Kiko ang pahayag na ito ni Sen. Bam at “minor disagreement” lang umano ito sa pagitan nilang dalawa.