Natagpuan ang isang inabandonang sanggol sa gilid ng creek sa Ramon, Isabela noong Lunes, Pebrero 23.
Base pahayag ng Ramon Police Station, isang concerned citizen ang nakakita sa sanggol na nasa loob ng palangganang nakapatong sa sementadong harang sa gilid ng Macaniao Creek sa Brgy. Ambatali, Ramon, Isabela.
Saad ng nasabing concerned citizen, nakabalot pa ng isang itim na pillowcase ang sanggol at nakakibit pa rito ang kaniyang talimpusod.
Ang sanggol naman ay nasa pangangalaga na ng Ramon Rural Health Unit Birthing Center upang mabigyan ng kinakailangang medikal na atensyon habang hinihintay ang kaukulang aksyon ng mga awtoridad.
Sa kasalukuyan, isang masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng Ramon Police Station upang matukoy ang mga taong responsable sa pag-iwan ng sanggol.
“Kami po ay nananawagan sa sinumang may nalalaman o anumang impormasyon kaugnay ng insidenteng ito na makipag-ugnayan sa Ramon Police Station. Ang inyong pakikipagtulungan ay mahalaga upang mabigyan ng hustisya ang sanggol at mapanagot ang mga dapat managot sa batas,” panawagan ng mga awtoridad.
Sean Antonio/BALITA