Inilahad ng International Criminal Court (ICC) prosecution team ang mga naging gampanin ng co-perpetrators o kasabwat ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para maisagawa ang "Oplan Tokhang" o war on drugs sa panahon ng kaniyang panunungkulan.
Sa ikalawang araw ng pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga sakdal o confirmation of charges laban kay FPRRD sa Pre-Trial Chamber I, sinabi ni ICC prosecutor Robynne Croft na ang sumusunod na mga personalidad ay naging kasabwat ng dating pangulo para maisakatuparan ang war on drugs, mula mayoral hanggang presidential period, na kinuha naman ang disenyo sa Oplan Tokhang sa Davao City noong mayor pa lamang si Duterte.
Kabilang sa mga pinangalanan sina:
1. Ronald Dela Rosa dating hepe ng Philippine National Police (PNP) at ngayo’y senador
2. Vicente Danao, dating PNP chief of counterintelligence at naging hepe ng pulisya sa Davao City
3. Camilo Cascolan, dating PNP operations chief
4. Oscar Albayalde, dating National Capital Region Police Office (NCRPO) regional director
5. Dante Gierran, dating direktor ng National Bureau of Investigation (NBI)
6. Vitaliano Aguirre II, dating Kalihim ng Department of Justice (DOJ)
7. Isidro Lapeña, dating pinuno ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)
8. Bong Go, nagsilbing Special Assistant to the President bago mahalal bilang senador
Ayon kay Croft, ilan sa mga nabanggit ay dati nang nakatrabaho ni Duterte noong alkalde pa siya ng Davao City. Iginiit ng prosekusyon na sa panahong iyon ay may kontrol umano ang grupo sa tinaguriang Davao Death Squad (DDS).
Nang maging pangulo si Duterte, sinabi ni Croft na nagpatuloy umano ang impluwensiya ng mga ito sa mas malawak na antas ng pamahalaan, sa pamamagitan ng pagtatalaga sa kanila.
Bukod sa ilang video clips, binigyang-diin din ni Croft ang ilan sa mga naging pahayag nina Dela Rosa, Danao, Lapeña, at Aguirre patungkol sa war on drugs.
"Your Honor, these speeches of co-perpetrators showed both the scope of the common plan and those co-perpetrators agreement to it," aniya matapos ilabas ang mga video clip na ginawa nilang ebidensya.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang mga nabanggit na personalidad matapos ang naging paglalatag ng merits ni Croft.