Mga batang 90s, kaway-kaway!
Inanunsyo sa opisyal na Facebook page ng "Bananas in Pyjamas" noong Pebrero 18 ang isang balitang ikinatuwa ng maraming tagahanga: muling magsisimula ang produksyon ng naturang serye!
Ayon sa kanilang pahayag, mananatiling tapat ang bagong serye sa makulay at masayahing diwa ng orihinal na palabas. Ipapakilala nitong muli ang makulit na kambal na sina B1 at B2 sa panibagong henerasyon ng mga batang manonood.
Anila pa, gaganapin pa rin ang kuwento sa pamilyar at magiliw na komunidad ng Cuddles Avenue, kung saan inaanyayahan ang mga bata sa isang mapaglarong mundong puno ng musika, katatawanan, role playing at iba’t ibang malikhaing imbensyon.
Dagdag pa sa anunsyo, hinihikayat ang publiko na manatiling nakatutok para sa iba pang detalye tungkol sa pagbabalik ng sikat na serye.
"The new series will stay true to the whimsical spirit of the original and introduce mischievous twins B1 and B2 to a new generation of young viewers. Set once again in the friendly neighbourhood of Cuddles Avenue, the series invites children into a playful world filled with music, humour, role playing and invention," mababasa sa post.
Sa Pilipinas, nakilala ang nabanggit na pambatang palabas at young at heart nang ipalabas ito noon sa ABS-CBN, kung saan naging bahagi ito ng childhood memories ng maraming batang Pilipino.
Bukod kina B1 at B2, tampok din sa kuwento ang kanilang mga kaibigang osong sina Amy, Lulu at Morgan, gayundin si Doding Daga, na nagbibigay ng dagdag-aliw at aral sa bawat episode.
Hindi naman nabanggit sa post kung kailan eksaktong mapapanood ito.