February 22, 2026

Home BALITA

Chinese national, timbog dahil sa 'overstaying,' 'identity theft'

Chinese national, timbog dahil sa 'overstaying,' 'identity theft'
Photo courtesy: BI


Arestado sa ikinasang enforcement operation ng mga awtoridad ang isang Chinese national matapos ang umano’y pagnanakaw ng pagkakakilanlan at “overstaying” nito sa bansa.

Ayon sa ulat na ibinahagi ng Bureau of Immigration (BI) noong Sabado, Pebrero 21, nasakote si Fang Ling, 36 taong gulang, sa Barangay Tambo, Parañaque City—sa pinagsama-samang tulong ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI, Parañaque City Police Intelligence Section, at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).

Base sa paunang imbestigasyon, may kaugnayan umano si Fang sa ilang “illicit activities” sa lugar, at ginagamit pa umano nito ang pagkakakilanlan ng isa ring Chinese national.

Sa inilatag ding mga impormasyon ng BI, napag-alamang 2022 pa huling pumasok si Fang sa bansa bilang isang “temporary visitor.”

Dahil hindi rin daw ito nakapag-apply pa isang visa extension o conversion, maituturing nang “overstaying alien” si Fang.

Sa gitna ng operasyon, nasakote rin ng mga awtoridad ang dalawa pang Chinese nationals na sina Chen Youliang, 38-anyos at Xu Yuxiang, 39.

Ayon sa pagsusuri, si Chen ay “subject” sa isang “active Blacklist Order,” habang si Xu naman ay isa ring “overstaying alien.”

Dahil dito, kasamang naaresto ni Fang ang dalawa pang mga dayuhan.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, hindi nila kukunsintihin ang mga ganitong uri ng paglabag sa batas ng bansa.

“Foreign nationals who attempt to circumvent our laws through aliases, fraudulent identities, or expired visas will be apprehended and deported,” saad ni Viado.

Giit niya, “We remain steadfast in ensuring that those engaged in illegal activities are removed from the country.”

Sa kasalukuyan, nasa warden facility na ng ahensya ang mga nasakoteng suspek habang inaayos pa ang kanilang deportation proceedings.

Matatandaang kamakailan, naaresto rin ng BI ang dalawang Chinese nationals matapos magpanggap bilang mga Pinoy.

MAKI-BALITA: 2 Chinese nationals, tiklo matapos magpanggap bilang Pinoy-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA