Madalas na maririnig na sambit ng maraming fur parents na ang pag-aalaga sa kanilang fur babies ay maihahalintulad sa pagkalinga sa isang bata dahil nangangailangan ito ng oras, effort, at pera.
Ang routine ng fur parents ay kadalasang binubuo ng weekly to monthly veterinary visits, grocery ng wet at dry food, at grooming.
Isa pa sa mga na-eenjoy na bonding at unwinding time ng fur babies at fur parents ay ang walking o paggala sa labas, paikot man ito sa residential area o sa mga parke.
Kaya narito ang “pet etiquette” na dapat tandaan tuwing ilalabas para sa walking ang fur baby:
1. Irespeto ang personal space ng mga tao sa public space
Mahalagang tandaan na hindi lahat ng tao ay dog o cat person, dahil sa posibleng phobia, trauma, o allergies.
Kaya sa paglabas sa fur baby, maaari itong lagyan ng komportableng tali upang maiwasan magdulot ng pagkakagulo sa pampublikong lugar, stress para sa mismong fur baby, at insidente ng pag-atake nito sa ibang tao.
2. Magdala ng walis, dustpan, at garbage bag
Mahalaga ring tandaan na sa walking, hindi mawawala na dumumi ang fur baby sa daan.
Kaya importante na magbaon ng walis at dustpan upang linisin ang dumi at ilagay ito sa isang garbage bag, at responsableng itapon sa isang basaruhan upang maiwasan ang pagkakalat sa mga pampublikong kalsada.
3. Magdala ng extra treats at pagkain
Katulad ng mga bata, ang fur babies ay napapagod din sa outdoor activities.
Kaya sa walking, importante na pagbaunan ito ng tubig upang hindi mauhaw, at treats upang mas maenganyo pa na maglakad at magmasid-masid sa paligid.
Bilang dagdag na pag-iingat, mainam rin magbaon ng first aid kit para sa mga hindi inaasahang insidente bago ito dalhin sa pinakamalapit na veterinary clinic.
4. Magtanong muna bago ilapit ang fur baby sa iba pang fur babies
Katulad ng pagrespeto sa “personal space” ng iba, mahalagang tandaan na hindi rin lahat ng alaga ay ineenjoy ang pagkakaroon ng interaksyon sa iba pang fur babies.
Kaya upang maiwasan ang posibleng pag-aaway at pagsasakitan ng mga ito, i-obserba at itanong muna sa iba pang fur parent kung “friendly” ba ang alaga nito at sanay makipaglaro sa iba pang fur babies.
5. Maging mapagmatyag at alerto
Bagong walking routine man ito o nakasanayan na, ang public space ay maituturing pa rin na “unpredictable” dahil iba-ibang tao, mga sasakyan, at hayop, ang dumadaan dito sa araw-araw.
Kaya importante na itago muna ang phone, hawakan, at mag-enjoy muna kasama ang fur baby hindi lang upang masulit ang moment, ngunit upang maprotektahan rin ito at ang sarili sa hindi inaasahang aksidente.
Sean Antonio/BALITA