February 22, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Paano manatiling humble sa panahon ng ‘main character energy?’

ALAMIN: Paano manatiling humble sa panahon ng ‘main character energy?’
Photo courtesy:Unsplash

Lahat ba may “main character energy” na? 

Sa dami ng umuusbong na trend sa social media, isa ang “main character energy” sa mga matutunog na binabanggit ng vloggers at netizens sa layong hikayatin ang mga tao, partikular ang Gen Zs, na ilabas ang buo nilang kumpiyansa sa sarili.  

Ayon sa pag-aaral ng Healthline, ang main character energy ay tumutukoy sa pananaw ng isang indibidwal kung saan siya ang bida sa mala-pelikula nitong buhay. 

Sa pamamagitan ng trend na ito, hinihikayat ang isang indibidwal na unahin ang sarili at ang mga bagay na nagpapasaya rito. 

Human-Interest

ALAMIN: Paano mag-heal pagkatapos ang masakit na ‘breakup?’

Habang investment sa sarili ang puso ng “main character” trend, ang sobrang pagkapit at pagsunod sa trend na ito ay posibleng magpalaki sa ulo ng isang indibidwal. 

Dahil ayon pa sa Healthline, posible rin na maging self-centered at makasarili ang tao na sumobra sa pagiging main character at itrato ang iba na hindi mas mababa at hindi importante. 

Gayunpaman, posible pa rin na maging mainam ang aplikasyon ng main character energy sa sarili kung ito ay magagawa nang may halong pagpapakumbaba. 

Dahil dito, narito ang ilang tips para manatiling mapagkumbaba sa kabila ng pagpa-prioritize ng sarili: 

1. Isiping hindi lahat ay tungkol sa’yo 

Kadalasan, sinasabi ng ilan ang mga katagang “hindi lang sa’yo umiikot ang mundo,” tuwing sinasabihan ang kaibigan o kaanak na tila hindi naiisip ang iba dahil nakatuon lamang sa sarili. 

Ipinapayo rito na tingnan maigi ang sitwasyon at reaksyon ng ibang tao bago magbigay ng reaksyon. 

Isa pa ay ang pagiging “aware” ng isang indibidwal sa segundo at minuto na nasasakop nito tuwing nakikipag-usap sa iba, at matutong magtanong rin ng tanong dito upang hindi lang nakatuon ang spotlight sa sarili. 

2. Maging active listener

Katulad ng naunang payo, tinuturo rito ang pagtuon ng atensyon sa ikinukwento ng iba sa usapan, hindi lang para may maisagot, ngunit para maintindihan at makisimpatya. 

Tandaan din na ang komunikasyon ay dapat nangyayari nang salitan at hindi lamang nakatutok sa iisang tao. 

3. Matuto sa mga kritisismo 

Ipinapayo rito ang pagkakaroon ng bukal na puso sa mga kritisismo, at hindi pagpepersonal sa mga ito. 

Upang magawa ito, mahalaga na ihiwalay ang emosyon sa kritisismo at suriin kung ano ang aral na itinuturo rito at magpahayag ng pasasalamat sa nagbigay ng kritisismo. 

4. Tanggapin ang mga pagkakamali

Tandaan na walang perpekto sa mundo at lahat ay nagkakamali, at ang pagkilala nito ay willingness na magbago at pagbutihin ang karakter para sa maayos na pakikitungo hindi lamang sa mga susunod na bersyon ng sarili kung hindi pati na rin sa iba. 

Isa sa mga paraan upang maging epektibo ito ay ang pagkakaroon ng “accountability buddy” ayon sa ilang eksperto, kung saan may ilang kaibigan ang magsasabi kung ano ang mga dapat pagbutihin at baguhin sa sarili. 

5. Matutong makita ang halaga ng ibang tao 

Tingnan ang iba sa pananaw na ang bawat isa ay may iba’t ibang istorya sa likod ng kanilang mga kakayahan at pinagdadaanan. 

Kaya mainam na kilalanin ang isang tao bago ito husgahan at tumalon sa mga haka-haka. 

Ang balanseng pagsasabuhay ng main character energy ay isang mahalagang aral at kakayahan upang mahikayat din ang iba na panghawakan ang kumpiyansa sa kanilang mga kakayahan at adhikain. 

Sean Antonio/BALITA