Pinaliwanag sa publiko ni dating Vice President at kasalukuyang Naga City Mayor Leni Robredo na baka “zero chance” o walang posibilidad na mag-usap sila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., tungkol sa politika sa nakatakdang pagbisita nito sa Naga City.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Totoo po na bibisita!' Palasyo, kinumpirma na magkikita sina PBBM, Robredo
Ayon sa naging panayam ni Robredo sa media sa Naga City nitong Sabado, Pebrero 21, 2026, sinabi niyang nakatakda na raw talagang bumisita si PBBM ngayon ding Sabado sa Naga City dahil sa programang Oplan Kontra Baha at “zero chance” umano kung mag-uusap sila tungkol sa politika.
“Tingin ko wala. Tingin ko zero chance,” pagsisimula niya, “Kasi ang pinunta naman dito ng Pangulo ito [Oplan Kontra Baha] and bago pa pumutok ‘yong mga usapin—bago ‘yong announcement ni VP Sara, naka-set na ito.”
Ani Robredo, nakapagpulong na rin daw sila ng Pangulo noong Enero 26, 2026 bago pa man mag-anunsyo si Vice President Sara Duterte na tatakbo siya bilang Pangulo ng Pilipinas sa Halalan 2028.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, inanunsyong tatakbong Pangulo sa 2028!
“In fact, marami na kaming mga pre-work na ginawa for this day. Ang natatandaan ko, ‘yong meeting namin, ‘yong nauna, January 26 pa even before the announcement,” aniya.
Giit naman ni Robredo, maaari raw na hindi maiiwasang makulayan ng politika ang nakatakdang pagbisita ng Pangulo sa Naga City pero nanindigan pa rin siyang mababa ang posibilidad na pag-usapan nila ito.
“Siguro, hindi maiiwasan na bigyan ng kulay politika pero wala talaga. Ito [ay] programa ng national government. In fact, hindi lang naman ito sa Naga. Isa lang kami sa mga sides na nasa pilot areas at ang alam ko, pinuntahan na ni Presidente ‘yong ibang sides,” saad niya.
Dagdag pa niya, “Isa lang ito doon sa routine na ginagawa niya for Oplan Kontra Baha…”
Pagpapatuloy ni Robredo, tanging pagbisita na lang daw ang kailangang ipunta ng Pangulo sa Naga City dahil nakapagsimula na raw silang magtrabaho para sa programang Oplan Kontra Baha nang dumating ang mga “equipment” sa kanilang siyudad nito ring linggo bago pa raw makapag-anunsyo si VP Sara.
“In fact, ‘yong intention nito noong una [ay] launch. Kaya lang no’ng dumating ‘yong mga equipment noong early this week—even before the announcement—ang sabi sa amin ng DPWH, ang announcement sa amin dahil nandito na ‘yong equipment, magsimula na kahit wala pang launch,” paglilinaw niya.
“So ngayon, pagbisita na lang talaga. Parang [lightly] visit na lang ito for them,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: 'Dapat si Leni!' Sen. Erwin Tulfo, 'di na bet tumakbo sa mas mataas na posisyon sa 2028
KAUGNAY NA BALITA: Rep. Edgar Erice, tiwalang malakas na pantapat si Mayor Leni vs VP Sara!
Mc Vincent Mirabuna/Balita