February 21, 2026

Home BALITA National

Sen. Robin, sinagot batikos na 'tuta,' 'sunud-sunuran' ni FPRRD!

Sen. Robin, sinagot batikos na 'tuta,' 'sunud-sunuran' ni FPRRD!
Photo courtesy: Sen. Robin Padilla (FB), File Photo

Dinepensahan ni Sen. Robin Padilla ang kaniyang sarili sa naging pagbatikos umano ng publiko sa kaniya bilang “tuta,” at “sunud-sunuran” umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. 

Ayon sa naging Facebook live ni Padilla na kaniyang isinapubliko sa kaniyang Facebook page noong Biyernes, Pebrero 20, 2026, nabanggit sa kaniya ng kausap ang naging reaksyon ng publiko sa sinabi niyang tatakbo siyang bise presidente kung iuutos iyon ni FPRRD. 

Ani Padilla, “loyalty” o katapatan umano ang dahilan kung bakit tila handa niyang sundin ang dating Pangulo, sa paraang kung paanong naging tapat din daw noon ang bayaning si Emilio Jacinto sa Ama ng Katipunan na si Andres Bonifacio. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Basta inutos ni Digong, susunod ako!' Sen. Robin, raratsada sa pagka-VP sa 2028?

National

'Zero Chance!' Mayor Leni, nilinaw na 'di politika ipupunta sa Naga ni PBBM

“‘Yon pong sinabi ko, ibig pong sabihin noon ay loyal ka. Kung papaanong naging loyal si Emilio Jacinto kay Andres Bonifacio…Masasabi po natin na hindi naman po maipagkakaila na sa ating kasaysayan, masakit nga lang dahil itong mga loyal na ito ay sila ‘yong laging nasasakripisyo,” aniya. 

Diin ni Padilla, masasabi lang daw na may problema ang katapatan ng isang indibidwal kung “loyal” ito sa isang pinunong wala umanong itinanim sa bansa. 

“Ang tinatanong natin, kanino ka ba loyal? Kung loyal ka sa isang pinuno na wala namang naitanim sa bansa natin, medyo may problema,” giit niya. 

Nagawa namang ibida ni Padilla ang umano’y porsyento ng mga survey na may mahigit 90 puntos na approval rating at trust rating ni FPRRD at ang pagkilala ng ilang lider ng mga malalaking bansang America, Russia, at China. 

“Pero kung ang loyalty mo doon sa isang pinuno na nagkaroon ng 90 plus na approval rating at trust rating, at kinilala sa buong daigdig. Hindi lamang kinilala ng basta sino, ha. Kinilala ni Presidente Trump, kinilala ni Presidente Putin, kinilala ni Xi Jinping,” pagbibida niya. 

Dagdag pa niya, “Ito po ‘yong mga lider na nakasama ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga international magazine, sa mga international news.” 

Ayon pa kay Padilla, hindi lang daw basta tumutungkol sa tao kapag sinabing “Duterte” kundi isa raw iyong ideolohiya na umano’y nagdala ng pagbabago sa Pilipinas. 

“Alam naman po natin na ‘yong brand kapag sinabi po nating ‘Duterte,’ hindi po ito tao. Ito ay ideology. Kapag sinabi po nating ‘ideology,’ ito po ‘yong tao na mayroon talagang pagbabago na dinala sa bansa natin at naramdaman nating lahat,” saad niya. 

“Ngayon, kung tatanungin ninyo ko kung hanggang saan ang loyalty na ‘yun ay hindi ko po isasakripisyo ang interes ng taumbayan. Syempre ang loyal ko, nandoon sa leader ko. Pero ako ay magte-take ng oath sa bayan, iba po ‘yon. Magkaiba po ‘yon…” paliwanag pa niya. 

Pagpapatuloy pa ni Padilla, nasa publiko raw ang kaniyang katapatan bilang lingkod-bayan ngunit wala raw siyang nakikitang mali sa dating pangulo kaya magiging tapat din daw ito rito. 

“Ang loyalty po natin kapag tayo ay public servant na ay sa publiko na po ‘yon. Hindi po pupuwede na ‘yan na halimbawa mali na ‘yong leader mo ay sasama ka pa,” ‘ika niya. 

“Sa ngayon po, wala akong nakitang mali kay Duterte,” pagtatapos pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: ‘Ipinanganak tayong ready!' Sen. Robin, kakayanin daw pagiging Vice President

KAUGNAY NA BALITA: Padilla, kinuwestiyon kredibilidad ng ICC prosecutors: 'Nag-aaral ba kayo ng batas?'

Mc Vincent Mirabuna/Balita