Ipinanawagan kamakailan ang deklarasyon ng “academic holiday” sa iba’t ibang katolikong paaralan sa bansa bilang komemorasyon sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa darating na Miyerkules, Pebrero 25.
Ayon sa joint statement ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) at Catholic Bishops’ Conference of the Philippines’ Episcopal Commission on Catholic Education (CBCP-ECCE) noong Pebrero 3, layon ng panawagan na ito hikayatin ang mga paaralan na dipensahan ang prinsipyo ng demokrasya na ipinaglaban noong Pebrero 25, 1986, sa pamamagitan ng mga makahulugang gawain tulad ng misa at youth forums na tatalakay sa katotohanan at hustisya.
MAKI-BALITA: Pebrero 25, pinanawagang gawing ‘academic holiday’ sa mga paaralan
Bilang tugon, narito ang mga paaralan na nagdeklara ng “academic holiday” sa Pebrero 25.
Adamson University (AdU)
Base sa pahayag ng AdU, idineklara ng kanilang pamantasan na “Non-Working School Holiday” ang Pebrero 25, kung saan lahat ng klase at opisina ay suspendido.
Hinikayat din nila ang parte ng kanilang komunidad na makilahok sa malawakang pagtitipon sa EDSA Shrine at People Power Monument.
Ateneo De Manila University (ADMU)
Base sa inilabas na university memo ng ADMU, gugunitain ng pamantasan ang ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power sa temang “Laging Manalig, Patuloy na Magtaya.”
Isang misa rin ang isasagawa ng ADMU sa umaga ng Martes, Pebrero 24.
Colegio de San Juan de Letran
Sa pahayag ng Letran, idineklara nila bilang “Academic Holiday” ang Pebrero 25, kung saan lahat ng klase at opisina ay suspendido.
De La Salle Philippines (DLSP)
Ayon sa pahayag ng DLSP, sa aktibong partisipasyon na ito sa komemorasyon ng EDSA People Power, sinususpinde nila ang mga klase at opisina sa kanilang pamantasan sa Pebrero 25.
Manila Cathedral School, Inc. (MCS)
Sa pahayag ng MCS, idineklara nila bilang “Non-Academic” at “Non-Working Day” ang Pebrero 25, kung saan, inaasahang sarado ang mga opisina at suspendido ang mga klase, at nakatakda nang magbalik sa Huwebes, Pebrero 26.
Mapúa University
Sa pahayag ng Mapúa, inanunsyo nilang suspendido ang mga klase sa kanilang Intramuros, Makati, at Ayala Malls Manila Bay campuses sa Pebrero 25.
University of Santo Tomas (UST)
Ayon sa pahayag ng UST, idinedeklara nila bilang “school holiday” ang Pebrero 25, kung saan lahat ng klase sa lahat ng antas at mga opisina ay kanilang isasara.
University of the East (UE)
Sa pahayag ng UE, inanunsyo nilang suspendido ang mga klase, programa, at mga opisina, sa kanilang Manila at Caloocan campuses sa Pebrero 25.
Bukod sa mga suspensyon ng mga klase at opisina sa mga paaralan, iba’t ibang grupo na rin ang nagkumpirma ng isasagawa nilang malawakang kilos-protesta sa Pebrero 25.
MAKI-BALITA: Iba't ibang grupo, kumpirmadong magkakasa ng 'anti-corruption rally' sa Feb. 25
Inanunsyo na rin ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang paghahanda upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa mga malawakang demonstrasyon na ito.
MAKI-BALITA: PNP, naghahanda na para sa ikatlong 'Trillion Peso March' sa Pebrero 25
Sean Antonio/BALITA