NBI Dir. Matibag, pumalag; wala raw NBI agents sa loob ng Senado habang may putukan!
Iginiit ni National Bureau of Investigation (NBI) Dir. Melvin Matibag, na walang naka-deploy na ahente ng kanilang ahensya sa Senado kasunod ng napaulat na putukan sa loob ng compound nitong Miyerkules ng gabi, Mayo 13, 2026.
Ayon kay Matibag, nasa isang tatlong araw na fellowship event sa isang hotel ang mga opisyal ng NBI nang makatanggap siya ng tawag mula kay Sen. Loren Legarda kaugnay sa umano’y presensya ng mga ahente ng NBI sa Senado.
“Nakatanggap ako ng tawag kay Senator Loren na paalisin ko raw yung mga agent ng NBI. Sabi ko, ‘Wala kaming agent diyan.’ Wala naman po talaga, kasi daw nagpaputok. Sabi ko pa-imbestigahan niyo, pa-huli niyo yung mga nagpapaputok. Dahil sigurado ako na wala kaming tao na nandiyan sa loob ng Senado,” ani Matibag.
Nagkaroon ng tensyon sa Senado matapos marinig ang mga putok ng baril habang umiiral ang lockdown sa gusali ng Senado, kung saan nasa protective custody si Ronald dela Rosa.
Samantala, dumating na rin sa Senado sina DILG Sec. Jonvic Remulla at PNP Chief Jose Melencio Nartatez upang pangasiwaan ang sitwasyon.
Ayon kay Remulla, wala namang naiulat na nasaktan sa gitna ng tensyon sa Senado.
Dagdag pa ni Matibag, nag-aalinlangan umano silang magtungo sa Senado dahil sila pa ang napagbibintangang responsable sa putukan.
“Inuutusan nila ako, ‘Pumunta ka rito, mag-imbestiga ka.’ Ang problema po ay napapagbintangan kami na kami ang nagpaputok, paano naman kami pupunta, baka masubo naman yung aming mga ahente,” dagdag niya.
Matatandaang kaugnayan ng umalingawngaw na putok ng baril sa Senado, inihayag ni Senate President Alan Peter Cayetano na may ilang tao umano ang nag-abiso sa kanilang magkakaroon ng gulo sa Senado.
“Four senators got tips, 30 minutes ago while we were talking, na umalis na dito kasi may mangyayari. This is the Senate of the Philippines, we are allegedly under attack! The sergeant-at-arms said na may putukan dito,” ayon kay Cayetano sa isang pahayag sa kaniyang Facebook live.
Binigyang-diin din ni Cayetano na hindi nila iiwan si Dela Rosa habang nagpapatuloy ang usapin kaugnay ng umano’y arrest warrant laban dito mula sa International Criminal Court (ICC).
“We're not going to leave Sen. Bato, we're not going to leave each other. May agreement na, we're still looking at the Supreme Court decision, but his legal remedies have not been exhausted,” dagdag niya.