Nilinaw ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na hindi niya arestuhin si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kasunod ng tensyon at napaulat na putukan sa Senado nitong Miyerkules, Mayo 13, 2026.
Dumating si Remulla sa Senado matapos ang insidente upang tiyakin umano ang seguridad sa loob ng gusali sa gitna ng usapin kaugnay sa posibleng pag-aresto kay Dela Rosa.
“I will not arrest Senator [Ronald dela Rosa] just to be clear. I will not arrest him. I am not here to arrest him. I am here to secure everyone,” pahayag ni Remulla sa panayam ng media.
Nauna rito, nagkaroon ng tensyon sa Senado matapos lumabas ang mga ulat ng umano’y putukan at pagtaas ng seguridad sa paligid ng gusali.
Kaugnay ito ng mga usapin hinggil sa umano’y arrest warrant laban kay Dela Rosa.
Samantala, patuloy pa ring hinihintay ang opisyal na detalye mula sa mga awtoridad kaugnay ng insidente at sa estado ng seguridad sa Senado.
Nauna nang nanindigan si Senate President Alan Peter Cayetano na wala raw silang balak iwanan si Dela Rosa sa kabila ng banta ng posibleng pagkakaaresto ng senador.
“We're not going to leave Sen. Bato, we're not going to leave each other. May agreement na, we're still looking at the Supreme Court decision, but his legal remedies have not been exhausted,” ani Cayetano sa kaniyang Facebook live nitong Miyerkules.
KAUGNAY NA BALITA: ‘We are allegedly under attack! SP Cayetano, nanindigang ‘di iiwan si Sen. Bato
Nasa ilalim ngayon ng proteksyon ng Senado si Dela Rosa matapos lumutang ang ulat hinggil sa arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kampanya kontra droga noong nakaraang administrasyon.
Nagpatupad din ng lockdown at pinaigting na seguridad sa loob ng Senado habang nagpapatuloy ang tensyon sa pagitan ng mga awtoridad at mga kaalyado ni Dela Rosa.