Idiniin sa publiko ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Sec. Larry Gadon hindi raw iboboto ng mga “loyalist” o tapat sa mga Marcos si Vice President Sara Duterte dahil ipapapatay diumano nito sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr, First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!’
Ayon sa naging panayam sa News & Views ng One News kay Gadon noong Huwebes, Pebrero 19, 2026, ipinaliwanag niyang may dalawa lang umanong pangunahing puwersa sa politika sa bansa, kundi ang mga maka-Marcos at maka-Aquino.
“Dalawa lang ang major political groups dito sa bansa natin: Marcos and Aquino,” pagsisimula niya.
Ani Gadon, malinaw naman daw na hindi iboboto ng mga tagasuporta ng Marcos si VP Sara dahil aalisin daw nito sa libingan ng mga bayani ang labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., at pababayaan ang West Philippine Sea (WPS).
“‘Yong mga Marcos, syempre, hindi naman nila iboboto si Sara, ‘di ba, solid Marcos ‘yan, e. Paano nila iboboto [kung] ipapatapon ‘yong libing Apo Lakay [Ferdinand Marcos, Sr.] at saka West Philippine Sea,” aniya.
Tila akusa pa ni Gadon, ipapapatay diumano ni VP Sara si PBBM, FL Liza, at Romualdez kaya raw tiyak na hindi siya iboboto ng mga loyalista, Waray, mga taga-Tacloban at Leyte.
“At saka ipapapatay niya si BBM, ipapapatay niya si Liza, ipapapatay niya si Martin [Romualdez]. Natural lahat ng mga Marcos loyalist, lahat ng mga Waray, ‘yang mga taga-Tacloban [at] Leyte, hindi iboboto kay Sara ‘yan,” saad niya.
Bukod sa mga loyalista, idiniin din ni Gadon na tiyak din daw na hindi iboboto ng “yellow camp” o ng mga kampo ng mga Aquino, “pinklawan,” dilawan, at Liberal Party si VP Sara dahil siguradong may sarili raw na kandidato ang mga ito.
“How about the yellow camp, itong mga Aquino camp? Kagaya ng ‘pinklawan,’ dilawan, ‘yang Liberal Party, natural [ay] hindi niyan iboboto si Sara kasi meron silang sariling kandidato na mas qualified,” ‘ika niya.
Pagpapatuloy ni Gadon, hindi rin daw iboboto ng mga kaliwa o “leftist” si VP Sara dahil galit na galit umano ang mga ito sa mga Duterte.
“‘Yon namang mga kaliwa, syempre political force pa rin ‘yan kahit papaano, hindi ‘yan boboto kina Sara. Hindi ‘yan dahil galit na galit ‘yan kina Sara at Duterte, ‘di ba ‘yong mga kaliwa,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon si VP Sara kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: 'Masyadong madrama 'yang babaeng 'yan!' Larry Gadon, pinagre-resign si VP Sara
KAUGNAY NA BALITA: 'I believe that FPRRD accepted the fact na doon na siya mamamatay!'—Larry Gadon
Mc Vincent Mirabuna/Balita