Umabot sa apat ang mga bangkay na narekober mula sa pagguho ng lupang naganap sa Mati City, Davao Oriental, nitong Biyernes, Pebrero 20.
Base sa ulat ng City Disaster Risk Reduction and Management (CDRRMO) - Mati, ang landslide ay naganap sa sa Upper Salazar, Barangay Central, Mati City.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) - XI, magkakaanak ang mga nasabing nasawi na mga residente, at isa rito ay nagdadalang-tao.
Samantala, tatlo namang katawan ang narekober mula sa pagguho sa Purok 5, Brgy. Rizal, Monkayo, Davao de Oro, ayon sa pahayag ng Philippine Red Cross (PRC).
Epekto ng Shear Line
Base pa sa pahayag ng PRC nito ring Pebrero 20, bukod sa landslide, naapektuhan din ng pagbaha at walang-tigil na pag-ulan, dulot ng shear line, ang iba’t-ibang komunidad sa Surigao del Sur, Davao de Oro, and Davao Oriental.
Sa lungsod ng Bislig, umabot sa lagpas-beywang na baha ang mga residente.
Tinatayang 14 residente naman ang nailikas ng mga awtoridad sa Nabunturan dahil rin pagbaha.
Mga karagdagang tulong
Sa kasalukuyan, tiniyak ng PRC na nagpapatuloy ang monitoring at koordinasyon sa mga opisina ng local disaster risk reduction and management sa rehiyon.
Gayundin ang pagtatayo ng welfare desks sa evacuation centers upang mabigyan ng agarang-tulong ang mga apektadong pamilya.
Saad pa ng PRC, ang Davao de Oro Chapter ay nagsimula nang mamahagi ng hot meals sa Basak at Magsaysay Evacuation Center, habang ang Emergency Medical Services (EMS) at Search and Rescue teams ay nananatiling naka-deploy sa Monkayo.
Sean Antonio/BALITA