Pormal na pinalitan ni Sen. Robin Padilla ang puwesto ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa Senate Blue Ribbon Committee.
Ayon sa naging sesyon sa Senado ng mga senador noong Miyerkules, Pebrero 18, 2026, iminungkahi ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito sa mataas na kapulungan si Padilla bilang kapalit ni Dela Rosa.
“For the committee on accountability of public officers and Investigation on the part of the minority, I move to elect Sen. Robinhood Padilla vice Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa,” ani Ejercito.
Hindi naman nakatanggap ng “objection” mula sa mga miyembro ng Senado ang naturang mosyon ni Ejercito at pormal itong inaprubahan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Hindi na rin napag-usapan sa nasabing sesyon ang dahilan kung bakit pinalitan si Dela Rosa ni Padilla bilang miyembro ng nasabing Komite.
Samantala, wala pa namang inilalabas na tugon, reaksyon, o pahayag ang kampo ni Dela Rosa kaugnay sa pagkakapalit sa kaniya ni Padilla sa Senate Blue Ribbon Committee.
Matatandaang may naghihintay na arrest warrant diumano kay Dela Rosa sa International Criminal Court (ICC) dahil sa pagkakasangkot niya sa giyera kontra droga sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nobyembre 10, 2025, nang huling makita ang nasabing senador na dumalo sesyon ng Senado at mahigit tatlong buwan na itong hindi nakikita ng publiko.
Sa katunayan, nakabantay na umano ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa galaw ng senador ayon sa kalihim nitong si Jonvic Remulla.
KAUGNAY NA BALITA: Lokasyon, galaw ni Sen. Bato, minomonitor ng DILG
Bukod pa rito, isa rin si Dela Rosa sa inilabas na mga pangalan ng ICC bilang “co-perpetrator” umano ni FPRRD kasama ang kapuwa niya rin senador na si Sen. Bong Go at iba pang mga indibidwal.
KAUGNAY NA BALITA: Dela Rosa, Go, atbp., co-perpetrators sa war on drugs ni FPRRD—ICC
KAUGNAY NA BALITA: Lacson, nanindigang kailangang idaan sa lokal na korte sina Go, Dela Rosa
Mc Vincent Mirabuna/Balita