Dinepensahan ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go si dating Pangulong Rodrigo Duterte na ginawa lang daw umano nito ang lahat at sinugal ang kaniyang buhay noon para sa ligtas na kinabukasan ng susunod na henerasyon.
KAUGNAY NA BALITA: ‘I am old, tired and frail!’ FPRRD, nanindigang ‘di sisipot sa confirmation of charges hearing ng ICC
Ayon kay Go, sa naging pagdalo niya sa sesyon ng Senado noong Miyerkules, Pebrero 18, 2026 sinabi niyang sinugal umano ni FPRRD ang kaniyang buhay upang makalakad nang tahimik sa publiko ang mga anak ng bawat isa.
“Si Pangulong Duterte naman po ginawa lang niya lahat noon, ang lahat. Sinugal niya ang kaniyang buhay para po sa kinabukasan ng ating mga anak na nakakalakad ang ating mga anak nang tahimik,” aniya.
Pagpapatuloy pa ni Go, ang publiko na raw ang humusga kung ano raw ang mga nagawa ng dating pangulo sa loob ng anim na taong pamumuno nito sa bansa.
“Kayo po ang humusga kung ano ang ginawa niya noong anim na taon na siya po ang namuno dito sa ating bayan,” saad niya.
Dagdag pa niya, “Sinakripisyo po niya ang kaniyang buhay para sa kinabukasan ng ating anak. ‘Yon po ang kaniyang ginawa.”
Samantala, sa parehong panayam, nagawa ring idiin sa publiko ni Go na hindi raw siya takot sa pagkakadawit sa kaniya ng International Criminal Court (ICC) at sinabi niyang importante raw na pantay at dumaan sa tamang proseso ang naturang alegasyong nadawit sa kaniya.
“Ang importante dito dapat fair po, dumaan sa tamang proseso. Hindi naman po ako takot dahil wala naman po akong kasalanan. Kaya po naririto ako ngayon, wala po akong kasalanan. Iba po ang aking trabaho,” depensa ni Go sa sarili.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bong Go sa pagkakadawit sa ICC: 'Hindi naman po ako takot!'
KAUGNAY NA BALITA: Dela Rosa, Go, atbp., co-perpetrators sa war on drugs ni FPRRD—ICC
Mc Vincent Mirabuna/Balita