Iniimbestigahan ng pulisya ang kumalat na viral video ng isang aso na nakatali sa umaandar na e-tricycle sa Villanueva, Misamis Oriental.
Batay sa ulat, naganap ang insidente sa national highway sa Crossing Dayawan.
Makikita sa video ang aso na pilit na tumatakbo upang hindi makaladkad habang nakatali sa leeg, na nagdulot ng galit at batikos mula sa mga netizen.
Nagsagawa ng imbestigasyon ang Villanueva Municipal Police Station katuwang ang Cagayan de Oro City Animal Welfare Society Inc., at natukoy ang may-ari ng aso na agad na ipinatawag sa himpilan ng pulisya.
Paliwanag ng may-ari, na siya ring driver ng tricycle, hindi niya napansin na nakatali pa ang aso sa likod ng sasakyan.
Inutusan umano niya ang kaniyang anak na alisin ang tali at kaagad siyang huminto nang malaman ang nangyayari.
Ayon sa pulisya, karaniwan nilang itinatali ang aso sa likod ng tricycle tuwing gabi bilang bantay laban sa magnanakaw.
Dinala ng animal welfare group ang aso sa isang veterinary clinic kung saan napag-alamang maayos ang kondisyon nito maliban sa gasgas sa paa.
Ibinalik din ang aso sa may-ari na nangakong hindi na mauulit ang insidente. Wala ring kasong isinampa laban sa kanila.