Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa loob ng isang septic tank sa Matina Gravahan, Barangay 74-A, Davao City, dakong 5:00 ng umaga noong Martes, Mayo 12, ayon sa mga awtoridad.
Nadiskubre ng mga imbestigador na nakaposas ang mga kamay ng biktima at nakatali ang mga paa nito. Nakabalot din umano ng tuwalya at tape ang ulo ng lalaki.
Ayon sa Davao City Police Office (DCPO), hindi sa lugar kung saan natagpuan ang bangkay naganap ang krimen.
Pinaniniwalaang pinatay muna ang biktima sa ibang lugar bago ito dinala at inilagay sa septic tank. Sinabi ng pulisya na naganap umano ang insidente sa nasasakupan ng Sta. Ana Police Station.
Humingi na rin ng tulong ang mga awtoridad sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) upang magsagawa ng autopsy at matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay ng biktima.
Sinabi ni DCPO spokesperson Pcapt. Hazel Caballero na natukoy na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktima at natunton na rin ang isang suspek sa tulong ng impormasyong ibinigay ng isang concerned citizen.
Gayunman, hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima at ng suspek upang hindi maapektuhan ang nagpapatuloy na imbestigasyon.
Dagdag pa ni Caballero, hinihintay pa ng pulisya ang kooperasyon ng pamilya ng biktima upang mapalakas ang kasong murder na ihahain sa korte.
Patuloy naman ang imbestigasyon habang inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng kasong murder laban sa suspek.