Magbabalik sa boxing ring si Filipino boxing icon Manny Pacquiao matapos ang nakatakdang laban niya sa isang exhibition match laban sa dating world champion na si Ruslan Provodnikov sa Abril 18, 2026 sa Thomas and Mack Center sa Las Vegas.
Pumayag ang 47-anyos na si Pacquiao sa isang 10-round exhibition bout kontra kay Provodnikov. Inanunsyo ito nitong Miyerkules, Pebrero 18, ng event organizers na Industry Media at Banner Promotions ni Arthur Pelullo.
Bago ito, napaulat na nakikipag-usap ang kampo ni Pacquiao sa kampo ng WBA champion na si Rolly Romero kasunod ng kontrobersyal na majority decision draw niya laban sa WBC titlist na si Mario Barrios sa kaniyang comeback fight.
Gayunman, hindi rin natuloy ang negosasyon, tulad ng hindi rin natuloy na planong rematch nila ni Floyd Mayweather.
Hindi tulad ni Pacquiao na nagretiro noong 2021 ngunit bumalik sa aksyon noong nakaraang taon, huling lumaban ang 42-anyos na si Provodnikov noong 2016 bago tuluyang isabit ang kaniyang gloves. Nasungkit ng Russian boxer ang WBO junior welterweight title noong 2013—taon ding kabilang si Pacquiao sa pinakamahusay na pound-for-pound fighters sa mundo.
May rekord si Provodnikov na 25 panalo at limang talo na may 18 knockouts, habang tangan ni Pacquiao ang 62-8-3 karta na may 39 KOs. Natalo rin si Provodnikov kina Chris Algieri, Timothy Bradley at Lucas Matthysse—mga boksingerong nakaharap at natalo rin ng Pinoy legend.
Ayon kay Pelullo, “Manny and Ruslan should have faced each other earlier in their careers, and it’s a shame it didn’t happen sooner, but at least we are getting it now,” Pelullo said in a statement.
Samantala, sinabi naman ni Pacquiao, “Returning to Las Vegas means so much to me, and I’m excited to work with a team focused on creating a world-class experience for the fans. I’m coming back to give them a great fight — and I’m ready.”