May 22, 2026

Home SPORTS

CHR, iniimbestigahan pagkamatay ng preso sa loob ng City Jail!

CHR, iniimbestigahan pagkamatay ng preso sa loob ng City Jail!
Photo courtesy: Unsplash

Sinimulan na ng Commission on Human Rights (CHR) ang imbestigasyon sa pagkamatay ng isang inmate sa Cebu City Jail, kasunod ng kahilingan ng pamilya nito.

Nauna nang nagsagawa ng hiwalay na pagsisiyasat ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), habang nagsimula na ring mangalap ng mga dokumento ang National Bureau of Investigation (NBI) para sa sarili nitong imbestigasyon.

Ayon kay Atty. Stanley Tibon, chief investigator ng CHR—7, nagpadala na ang kanilang tanggapan ng quick response team upang alamin hindi lamang ang sanhi ng pagkamatay kundi pati ang posibleng pananagutan ng mga tauhan ng pasilidad.

“We’ve already dispatched a quick response operation to check not just on the death but also on the possible administrative liability of the personnel in the facility,” ani Tibon.

Kinilala ang nasawi na si Fernando Prajes, 37 taong gulang, na natagpuang walang malay noong Abril 26, 2026 at agad na dinala sa Cebu City Medical Center kung saan idineklarang dead on arrival.

Brandon Clarke ng Memphis, pumanaw sa edad na 29!

Batay sa death certificate, ang sanhi ng kaniyang pagkamatay ay sudden cardiac death o acute coronary syndrome. Gayunman, kinukuwestiyon ito ng kaniyang pamilya matapos umano silang makakita ng mga pasa sa kaniyang katawan.

Ayon sa pamilya ng nasabing nasawing inmate, maayos pa umano ang kalagayan ni Prajes nang huli nila itong dalawin at wala itong binanggit na anumang karamdaman.

Iginiit din nila na dapat sana ay hinayaan na lamang siyang humarap sa kasong kinakaharap sa halip na humantong sa ganitong pangyayari.

Si Prajes ay nahaharap sa kasong panggagahasa sa isang 11-anyos na batang babae sa Barangay Kalunasan, Cebu City. Naaresto siya noong Marso 10, 2026 sa Maynila matapos umano itong makatakas.