Isang lalaki ang nasa kritikal na kondisyon matapos tamaan ng bala sa ulo sa Antipolo City nang aksidenteng pumutok ang baril na pinaglaruan umano nila ng kaniyang kaibigan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alamang napulot lamang ng magkaibigan ang isang luma at sirang .38 caliber revolver na kalaunan ay dinala sa loob ng isang bahay sa Sitio Mahay, Barangay Bagong Nayon.
Hindi umano alam ng 16-anyos at 19-anyos na may lamang bala ang naturang baril.
“Ayon po sa ating mga imbestigador, pinaglaruan po yung baril ng magkaibigan. At pagkahawak po nitong 16-year-old na kaibigan nga po is aksidente po itong naitutok sa ulo at naiputok sa kaniyang kaibigan,” ayon kay Police Lieutenant Ken Ladyong Ada-ol, chief of Community Affairs and Development Division (CCADS) ng Antipolo Police.
Dagdag pa ng pulisya, nagmula rin umano ang baril sa kanilang mga kakilala sa parehong barangay at may isang bala pala itong laman.
“Yung baril na pinaglaruan ng dalawang bata is galing din po sa mga barkada nila dito lang din po sa kanilang barangay. At yung revolver po na yun is loaded po pala siya ng isang bala,” sabi ni Ada-ol.
Agad na isinugod sa ospital ang biktima matapos tamaan sa ulo at sumailalim sa operasyon. Ayon sa kaniyang pamilya, nananatiling kritikal ang kalagayan nito.
Iginiit ng ina ng biktima na aksidente ang nangyari.
Samantala, nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 16-anyos na sangkot sa insidente.
Nagpaalala naman ang pulisya sa publiko, lalo na sa mga kabataan, na huwag paglaruan ang anumang uri ng baril.
“Sa ating mga kabataan, 'pag may nakita po tayong baril or napulot or nabigay sa kaibigan, 'wag po natin itong paglaruan kasi po delikado po ito. Kahit sinasabi niyo po ito na luma na or 'di na po gumagana, baka meron po ito na bala. Possible na possible po ito na puputok," sabi ni Ada-ol.
"Pinakamabuti po ay i-surrender natin sa pinakamalapit na police station,” dagdag niya.