Tahasang ibinahagi ng Malacañang na hindi pa umano nababanggit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang muling pag-anib ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).
Kaugnay ito sa maugong na isyu hinggil sa pagdawit ng nasabing korte sa pangalan nila Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go, at iba pa, bilang kasabwat umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa madugong “War on Drugs” noong nakaraang administrasyon.
Ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro sa ginanap na press briefing ng PCO nitong Lunes, Pebrero 16, hindi pa raw ito napag-uusapan ng administrasyong Marcos Jr.
“The President has not talked about that. He has not discussed that matter with all of us,” saad ni Castro.
Nagkomento rin si Castro sa umano’y palagiang pagsuko ng administrasyong Marcos Jr. sa mga Pilipino sa “foreign courts”, kaysa dinggin ang mga kaso nito mismo rito sa Pilipinas.
“Malamang, ‘yan po ang kanilang sasabihin. Pero tandaan natin, ano ba ang nangyari sa panahon ni dating Pangulong Duterte? Marami bang nakasuhan na general? E kaya nga po sinasabi ko sa inyo, records mismo, diumano, naggawa ng report si Mayor Magalong tungkol sa mga maanomalyang pagpapatay. So, sino ‘yong mga generals na ‘yon na dapat involved? Ba’t hanggang ngayon ay hindi pa nakakasuhan?” ani Castro.
Pero ayon sa press officer, maaari naman daw mangyari ang panawagan ng oposisyong dinggin ang mga kaso rito sa bansa—ngunit may mga batas pa rin naman daw kasing dapat sundin, tulad ng pagsuko ng isang “alleged defendant” sa ICC.
“We can say that the cases can be held and can be heard before the courts here in the Philippines, but we also have a rule. We also have a law that allows the government to surrender the alleged defendants to the International Criminal Court. So, it’s a choice para hindi mapulitika,” anang press officer.
Giit pa niya, “Hindi ba mas maganda kung korte na hindi naiimpluwensyahan at hindi masasabing namumulitika ang siyang didinig para walang masabi—manalo man ang dating Pangulong Duterte, walang masasabi. Matalo man ang dating Pangulong Duterte at co-perpetrators, walang masasabi ang Pilipino dahil neutral ‘yon, hindi po maaaring impluwensyahan.”
Matatandaang ang Pilipinas ay isang State Party sa Rome Statute simula pa noong Nobyembre 1, 2011.
Noong Marso 17, 2018, nagpakita ng interes ang administrasyong Duterte na mag-withdraw sa naturang korte, kung saan ang bansa ay nagsumite ng isang “written notification of withdrawal from the Statute.”
Matapos ang saktong isang taon, pormal na tumiwalag ang Pilipinas sa ICC noong Marso 17, 2019.
Vincent Gutierrez/BALITA