Arestado ang isang Mongolian national matapos ang umano’y “espionage-linked activies” nito sa Zambales, na maaaring makaapekto sa seguridad ng bansa.
Sa ulat na ibinahagi ng Bureau of Immigration (BI) noong Linggo, Pebrero 15, nasakote nila ang dayuhang si Boldbaatar Bold-Erdene, 30 taong gulang, sa tulong ng Armed Forces of the Philippines (AFP), iba pang law enforcement at intelligence agencies, sa isang aviation school sa Barangay Lipay Dingin, Iba, Zambales kamakailan.
Base sa paunang impormasyon, si Boldbaatar ay isang graduating pilot student, na itinuturing ng BI bilang isang “undesirable alien,” bunsod ng umano’y banta nito sa seguridad at “public interest.”
Ayon pa sa masusing imbestigasyong isinagawa ng official intelligence information, ang dayuhan ay may kaugnayan umano sa gobyerno ng bansang China.
“According to official intelligence information, he graduated as a jet fighter pilot, with suspected affiliation to the Chinese government. During flight exercises, the subject reportedly conducted aerial photography of Iba Airport and the nearby Palauig River area, approximately five nautical miles from the airport,” ani BI sa ulat.
Pagdidiin ngayon ng ahensya, hindi sila papayag na makalusot ang ilang dayuhan o sibilyang maaaring magdulot ng kapahamakan sa bansa.
“The Philippines will not allow its institutions, including civilian training facilities, to be used for activities that may compromise national security,” saad ng BI.
“Our immigration laws are clear—foreign nationals must strictly adhere to the conditions of their stay,” dagdag pa nila.
Matapos ang aprehensyon, dumaan muna sa isang medical examination at biometric processing ang dayuhan—at agad ding dinala sa warden facility ng BI.
Sa mga kaugnay na ulat, matatandaang nasakote rin ng BI kamakailan ang dalawang Chinese nationals na nagpapanggap bilang mga Pinoy.
MAKI-BALITA: 2 Chinese nationals, tiklo matapos magpanggap bilang Pinoy
Isang aleman naman ang nahuli rin ng mga awtoridad kamakailan matapos magpuslit ng hinihinalang shabu, na may halagang aabot sa ₱55 milyon.
Ayon sa ulat ng Bureau of Customs–Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), inipit at ikinubli ito ng dayuhan sa loob ng mga Bibliya.
MAKI-BALITA: German, tiklo; nagpuslit ng higit ₱55M halaga ng shabu, itinago sa mga Bibliya!
Vincent Gutierrez/BALITA